LUNGSOD NG MALOLOS — Sisimulan na ang konstruksyon ng “Pabahay sa Mamamayan” para sa mga taga-Malolos na naninirahan sa mga hazard areas gaya ng gilid ng mga ilog at sapa, mga nasa basurahan at iba pang mga walang-wala.
Ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian, nabili na ng pamahalaang lungsod sa halagang 47 milyong piso ang 7.5 ektaryang lupa na pagtatayuan ng nasabing pabahay.
Matatagpuan ito sa pagitan ng mga barangay ng Bangkal na may laking 53,305 square meters at sa Santor na nasa 25,554 square meters.
Target na maging benepisyaryo ang may 4,500 na mga pamilya kung saan may nauna nang nasa isang libong pamilya ang naaprubahan na ng Beneficiary Selection, Awards and Arbitration Committee sa pangunguna ng National Housing Authority.
Sa Phase 1 ng proyekto, magtatayo ng dalawang gusali na may tig-apat na palapag. Bawat gusali ay may laman na 48 units na may laking 4×6 meters ang isa.
Dalawang uri ang yunit na idinisenyo rito. May yunit na isa ang kwarto para sa benepisyaryong walang asawa at dalawang kwarto naman para sa benepisyaryong may asawa at mga anak.
Ipinaliwanag naman ni Malolos City Information Officer Regemrei Bernardo na kapag naipagkaloob na sa mga benepisyaryo ang mga yunit, ipapatupad ang merit-demerit system.
Ibig sabihin, pupwedeng mapaalis ang benepisyaryong lalabag sa mga patakaran na itatakda ng pamahalaang lungsod gaya ng pagbabawal na magkaroon ng inuman, pagsasampay ng mga nilabang damit kung saan-saan, pagkakalat o pagdudumi at iba pang pag-uugaling may kawalan ng urbanidad.
Bagama’t bibigyan ng karapatang makapag-ari ang mga benepisyaryo, ang magiging sistema pa rin ng paghuhulog ng bayad ay least-for-life na 500 piso kada isang buwan.
Ito’y upang matiyak na hindi maibebenta sa iba ang unit at mapigil ang sinumang magtatangkang maging ‘professional squatter’.
May inisyal na halagang 55 milyong piso ang naturang proyekto na pinondohan ng pamahalaang lungsod. Target matapos ang proyekto sa huling bahagi ng 2022.