CAMP GEN ALEJO S SANTOS, City of Malolos, Bulacan — Dalawang hinihinalang mga pusher ang naaresto ng mga operatiba ng Balagtas Police Station at tinatayang mahigit sa P9.7 milyong halaga ng dried marijuana bricks ang nakumpiska sa mga ito sa isinagawang buy-bust operation sa Northville Pabahay Village sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan nitong Linggo, Setyembre 4, 2022.
Kinilala ni Bulacan Police Provincial Office (PPO) Acting Provincial Director PCol. Charlie Cabradilla ang mga naarestong suspek sina Mark Lambert Bhobe ng Meycauyan City; at Angelo Llagas ng Barangay Gaya-Gaya, City of San Jose Del Monte.
Ayon kay PMaj. Michael Udal, isang buy-bust operation ang ikinasa ng kaniyang mga tauhan mula sa Balagtas Police Station bandang alas-2:45 ng hapon sa nasabing lugar kung saan 81 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana na nasa 81,000 grams at nagkakahalaga ng P9,720,000.00 ang nakumpiska sa mga suspek.
“Hindi namin expected na ganito karami ang marerekober namin sa operasyong ito, ang usapan lang sa transaksyon ng ating kapulisan ay ilang brick lang ng marijuana pero eto ang bumulaga, 3 sako ng marijuana brick” ayon kay Udal.
Nabatid na bago maaresto sina Bhobe at Llagas ay sa bayan ng Baliwag ang unang usapan kung saan ang drop-off ng mga order na marijuana pero bandang huli ay sa bayan ng Balagtas nagtapos ang transaksyon at dito na sila naaresto ng nagpanggap na police buyer.
Ayon pa kay Udal, ang mga narekober na marijuana ay nakabalot ng plastic na packing tape at nakasilid sa tatlong sako na nakatago sa isang bakanteng unit ng “Pabahay” sa Northville village.
Ang dalawang suspek at mga ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit for examination habang inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek.