P867.9M Arterial Bypass Road sa Bulacan pinasinayaan

Pinangunahan nina Special Assistant to the President Anton Lagdameo at DPWH Sec. Manuel Bonoan kasama sina Embassy of Japan in the Philippines Second Secretary Kinoshita Akito, Japan International Cooperation Agency (JICA) Chief Representative Takema Sakamoto, Bulacan Vice Gov. Alex Castro, 3rd District Congresswoman Lorna Silverio, Mayor Mark Cholo Violago ng San Rafael, Mayor Francis Albert Juan ng Bustos ang pagpapasinaya ng Arterial Road Bypass Project  Phase III Contract Package 4 na opisyal nang binuksan para sa motorista nitong Biyernes na ginanap sa Bulacan State University, San Rafael Campus. Kuha ni ELOISA SILVERIO
SAN RAFAEL, Bulacan – Bukas na sa mga motorista ang 7.74 kilometro na bagong southbound lane ng Plaridel Arterial Bypass Road sa bahagi ng San Rafael, Bulacan matapos isagawa ang inagurasyon nito sa Bulacan State University, Barangay Maasim nitong Lunes, Oktubre 9, 2023.

 

Pinangunahan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo ang pagpapasinaya ng bagong dalawang linya ng nasabing bypass road kasama ang implementing agency sa pangunguna ni Sec. Manuel Bonoan ng Department of Public Works and Highways (DPWH). 
 
Kasama rin sa naturang inauguration ceremony sina Japanese Ambassador Kazuhiko Kashikawa, DPWH Senior Undersecretary Emil K. Sadain, Embassy of Japan in the Philippines Second Secretary Kinoshita Akito, Japan International Cooperation Agency (JICA) Chief Representative Takema Sakamoto, Bulacan Vice Gov. Alex Castro, 3rd District Congresswoman Lorna Silverio, Mayor Mark Cholo Violago ng San Rafael, Mayor Francis Albert Juan ng Bustos.
 
 

Ang pinasinayaang bahagi ng Plaridel Arterial Bypass Road ay bahagi ng Phase III-Contract Package 4. Karugtong nito ang bagong southbound lane na Angat River Viaduct at ang bagong tayo na San Rafael Flyover.

 

Ito ang hilagang bahagi ng kabuuang 24.61 kilometro na Plaridel Arterial Bypass Road mula rito sa San Rafael hanggang sa Balagtas Exit ng North Luzon Expressway o NLEX. 
 
May kabuuang P5.2 bilyon na Official Development Assistance o ODA ng Japan International Cooperation Agency o JICA ang inilaan sa proyektong ito.

 

Sa loob ng nasabing halaga, nasa P867.9 milyon ang ginugol para sa Phase III-Contract Package 4.

 

Ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Manuel Bonoan, mas paluluwagin nito ang daloy ng trapiko para sa mga kargamento, biyahero at motorista mula sa hilagang bahagi ng Bulacan na palabas sa NLEX. Gayundin ang mga mula sa NLEX-Balagtas Exit patungo sa San Rafael at sa gawing ito ng ikatlong distrito ng Bulacan.

 

Isa aniya ito sa 194 na prayoridad na proyekto sa ilalim ng Build-Better-More Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.

 

Sinabi naman ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa, na patunay ang proyektong Plaridel Arterial Bypass Road sa mahabang panahon ng pag-agapay ng bansang Japan sa Pilipinas upang higit na maiangat ang antas ng kalidad ng mga imprastraktura.

 

Ayon kay JICA Chief Representative in the Philippines Takema Sakamoto, hindi matatapos ang pagtulong ng Japan upang matamo ang isang ‘Bagong Pilipinas’ sa pamamagitan ng patuloy na pamumuhunan sa mga big ticket infrastructure projects mula sa mga bypass roads, railways, ports at airports.

 

Samantala, sa mensahe ni Pangulong Marcos na ipinaabot ni Special Assistant to the President Lagdameo, muling tiniyak ng pangulo na tatapusin at kukumpletuhin ang mga nasimulan nang proyektong imprastraktura habang sisimulan na rin ang mga prayoridad na bagong daan, riles, paliparan at pantalan.

 

Magsisilbi aniya itong malaking ambag sa adhikain na matamo ang isang ‘Bagong Pilipinas’ na ipapamana sa bagong henerasyon ng Pilipino.