Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Sa magkahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga at ilegal na armas, tatlong suspek ang naaresto nitong Martes, Disyembre 3 sa mga lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija.
Sa isang anti-illegal drug operation na isinagawa ng Magalang Municipal Police Station (MPS) Drug Enforcement Unit (MDEU) sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Region 3, dalawang high-value individuals (HVI) ang naaresto sa Barangay Sta. Lucia, Magalang, Pampanga, ganap na alas-7:15 ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Ralph Pineda, 31 taong gulang at Aries Galang y Sembrano, 45 taong gulang. Nakumpiska mula sa kanila ang 105 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P714,000.00.
Samantala, isang operasyon ang isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Science City of Muñoz Police Station at Provincial Intelligence Unit (PIU) sa Barangay Balante, Science City of Muñoz, Nueva Ecija na nagresulta sa pagkakadakip ni Gervasio Carpio, residente ng nasabing barangay at pagkakakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ng mga sumusunod: dalawang (2) Colt Hartford Gripper Model 1911 caliber .45 pistols; dalawang (2) magazine para sa caliber .45; dalawampu’t siyam (29) na piraso ng live ammunition para sa caliber .45; isang (1) suppressor/silencer para sa caliber .45 pistol; isang (1) Model 60 H & R Reising caliber .45; isang (1) magazine para sa Model 60 H & R Reising caliber .45; dalawang (2) bala ng 12-gauge shotgun; tatlong (3) bala para sa caliber 9mm; at dalawang (2) bala ng caliber .38.
“Patuloy na pinaiigting ng inyong kapulisan ang kampanya laban sa ilegal na droga at ilegal na armas bilang bahagi ng aming pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon,” pahayag ni PRO3 Director PBGen Redrico Maranan.