LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Nakapagtala ng P7.2 bilyong halaga ng mga bagong pamumuhunan ang pumasok sa Bulacan sa nakalipas na taong 2022.
Ayon kay Edna Dizon, provincial director ng Department of Trade and Industry (DTI)- Bulacan, ito ang mga pamumuhunan na narehistro at inaprubahan ng Board of Investment o BOI nitong Nobyembre 2022.
Sila ay nakatamo ng performance-based, output-based, employment-based at investment-based na tax incentives sa ilalim ng umiiral na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises act o CREATE Law sa bisa ng Republic Act 11534.
Pinakamalaki rito ang expansion project ng Eagle Cement Corporation sa kanilang pabrika ng semento sa San Ildefonso na nagdagdag ng P2.05 bilyong halaga ng pamumuhunan. Lumikha ito ng 112 pang mga bagong trabaho.
Para kay Dizon, tugmang tugma ang investment expansion ng nasabing kumpanya upang matiyak ang suplay ng semento bilang suporta sa Build-Better-More Infrastructure Program ng administrasyong Marcos.
Gayundin ang mataas na demand sa real estate dahil patuloy ang mga indibidwal na namumuhunan para magkaroon ng sariling tahanan.
Nasa P1.9 bilyon naman ang inilagak ng Team Philippines Renewable Energy Corporation na nasa larangan ng manufacturing na may kinalaman sa electricity, gas, steam at air conditioning supplies. May 64 na trabaho ang inisyal na malilikha para sa pasilidad na itatayo sa bandang hilaga ng Bulacan.
Ang Raemulan Lands Inc. ay may tatlong real estate projects na may P1.6 bilyong halaga ng pamumuhunan na magbibigay ng nasa 521 na mga trabaho. Mayroon silang partikular na mga lote sa Santa Maria.
Namuhunan ang Maxiflex Philippines Corporation ng P560.3 milyon para sa isang manufacturing project sa Plaridel. Isa itong gawaan ng mga foam at spring mattresses na mangangailangan ng 617 na mga manggagawa.
Ang magiging output ng bagong pagawaan na ito ay 21% para itinda sa lokal na merkado at 79% ang iluluwas sa United States, New Zealand, Papua New Guinea at sa mga bansa ng timog silangang Asya.
Kabilang dito ang mga economic and low cost housing projects gaya ng P315.93 milyon na ipinuhunan ng isang Chinese-Filipino Consortium na The New APEC Development Corporation para Saffron Hills sa Marilao; P141.70 milyon mula sa isang Japanese-Filipino Consortium para sa PHIRST Park Homes Inc. sa Baliwag at ang P175.40 milyon na Villand Ville 1 Butterfly Subdivision ng Hausplus Ventures Inc. sa lungsod ng San Jose Del Monte.
Magtatayo rin ng isang Business Processing Outsourcing na magiging bagong isang services export provider ang Concentrix Daksh Services Philippines Corporation sa pamamagitan ng P135.93 milyong pamumuhunan.
Magkakasosyo rito ang mga mamumuhunan mula sa Netherlands, Australia, United States at sa Pilipinas. Nasa 1,388 ang mabubuksan na mga bagong trabaho rito.