NAKUMPLETO na ang mga proyektong kalsadahan sa mga bayan ng San Miguel, San Ildefonso, Bustos at Calumpit sa lalawigan ng Bulacan na nagkakahalaga ng P60-milyon kaya naman magiging magaan at komportable nang bumiyahe rito ang mga turista.
Ang mga ito ay nasa ilalim ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) na bahagi ng proyekto ng Department of Tourism (DOT) at Department of Public Works and Highways (DPWH) Convergence Program.
Ayon kay Eliseo Dela Cruz, head ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office (PHACTO), apat na mga tourist destinations sa Bulacan ang ginawang prayoridad sa proyektong T.R.I.P. na may kabuuang halaga ng P60 milyon.
Kabilang dito ang rehabilitasyon ng road access patungo sa kweba ng Bulusukan sa San Ildefonso na nagkakahalaga ng P20 milyon.
Pamoso ang loob ng nasabing kweba dahil sa mala-kristal na kumikinang na mga bato kapag natatanglawan ng ilaw.
Pinasemento na rin ang nawawalang karugtong ng Camias-Sibul Road sa San Miguel papunta sa kweba at ilog ng Madlum na isang bahagi ng Biak na Bato National Park.
May halagang P20 milyon ang inilaan dito upang maging maginhawa ang pagbiyahe ng mga turistang sumasadya pa rito para maligo sa kulay asul na ilog ng Madlum.
Bukod sa paggalugad sa kweba nito, maaari ring magsagawa sa Madlum ng iba’t ibang tourism activities gaya ng Zip Line at Bamboo Raft Ride o pagsakay sa bangkang gawa sa Kawayan. Pwede ring gumamit ng mga Bahay Kubo na gawa ng mga katutubong Dumagat.
Sa Bustos, kinumpuni na ang kalsadang patungo sa Daily Bread Organic Farm na nasa Barangay Bonga Menor sa halagang P10 milyon.
Isa itong Farm Tourism Destination sa Bulacan na kilalang resort na napapalibutan ng mga katutubong tanim gaya ng Herbal and Botanical Plants, Mushrooms at mga Green Houses na kinapapalooban ng mga pinapalaking high value commercial crops.
Para masuportahan ang pagiging organiko nitong mga tanim, nagsasagawa rito ng Vermicomposting at Vermiculture kung saan prinoproseso ang lahat ng uri ng mga nabubulok na bagay upang maging pataba.
Mayroon din ditong mga pasilidad kung saan pinaparami at inaalagaan ang mga Manok, Baboy ramo, Kambing, Tupa at mga palaisdaan kung saan uubrang magpakain o makisalamuha ang mga turista.
Habang inayos naman ang kalsada patungo sa Makasaysayang Dambana ng Meyto sa Calumpit na nilaanan ng P10 milyon. Sa lugar na ito pinaniniwalaan na unang dumaong sa Bulacan noong 1572 ang mga paring Kastila upang magpalaganap ng Katolisismo.
Makikita sa dambanang ito ang Krus na pinagtulusan ng orihinal na Krus noong 1572 kung saan ginanap ang Unang Misang Katoliko sa gitnang Luzon. Naging ruta rin ng Kalakalang Galyon sa Pilipinas ang katabi nitong ilog Calumpit.
Samantala, ayon kay Department of Tourism (DOT)- Central Luzon Regional Director Carolina Uy, ang pagsasakatuparan ng proyektong T.R.I.P. sa Bulacan ay resulta ng produktibong konsultasyon ng DOT-DPWH Convergence Program sa mga pamahalaang lokal.
Ibig sabihin, ang mga lokal na tourism officers ang nagrekomenda sa nasabing mga ahensiya kung anong tourism roads ang dapat isaayos o ipagawa, base sa mga prayoridad na tourism destinations ng isang bayan, lungsod o lalawigan.
Sa Bulacan, bukod sa kilala na sa mga pangkasaysayan at pangkulturang destinasyon, sinabi ni Dela Cruz na ipinoposisyon ngayon ang lalawigan bilang isang bagong Farm Tourism at Ecotourism Destination kaya’t inunang maipagawa ang mga kalsada patungo sa nasabing mga lugar.
SOURCE: Shane Velasco (PIA3-Bulacan)