LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Natanggap na ng nasa 1,039 na mga magsasaka ng Palay sa bayan ng San Miguel at 30 mga mangingisda sa Obando ang tig-P5 libong tulong pinansiyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Provincial Agriculture Office (PAO) Head Gloria Carillo, ito ay bahagi ng mga tulong na ipinagkakaloob ng Kapitolyo sa mga magsasaka at mangingisda na pinaka naapektuhan ng nakalipas na tag-tuyot o El Nino. Nagmula ang pondo mula sa P5.3 milyong bahagi ng Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM) Fund ng Kapitolyo.
Base sa tala ng PAO, aabot sa 1,835 na ektarya ng lupang sakahan ng Palay sa San Miguel ang pinakalabis na naapektuhan ng El Nino. Sa bayang ito matatagpuan ang pinakamalaking sakahan ng Palay sa Bulacan.
Ipinaliwanag ni Gobernador Daniel R. Fernando na minarapat ng pamahalaang panlalawigan na iprayoridad na matulungan ng lokal na DRRM Fund nito ang mga magsasaka at mangingisda, dahil nakasalalay dito ang kanilang kabuhayan at ang seguridad sa pagkain ng mga Bulakenyo.
Para kay Alberto Sacdalan, isa sa mga magsasakang taga-San Miguel na nagsasaka sa may 1.2 ektaryang Palayan, magandang panimula ang halagang P5 libo upang makabawing muli sa ani at kita. Nasa 50 kaban lamang aniya ang naani na Palay sa isang ektarya na sadyang mababa kumpara sa 100 hanggang 120 kaban kapag walang El Nino.
Ilalaan aniya ang natanggap na tulong pinansiyal na pambili ng binhi. Sa kanyang pagtataya, mangangailangan siya ng inisyal na tatlong sako ng binhi na may bigat na 40 kilo. Bawat isang sako nito ay nagkakahalaga ng P1,600.
Nangako rin ang gobernador na magpapadala ang pamahalaang panlalawigan ng mga organic fertilizers sa nasabing mga benepisyaryo upang matiyak na matuloy ang pagtatanim ng ikalawang cropping.
Sinabi naman ni Carillo na inaasahan nang magsisimula ang Department of Agriculture (DA) na magsuri sa Bulacan kung sinu-sino ang mga naapektuhan ng El Nino na dapat pang pagkalooban ng tulong, bukod sa ibinigay ng pamahalaang panlalawigan.
Kaugnay nito, bukod sa tig-P5 libong tulong pinansiyal, pinabaunan pa sila ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga family food packs. Tiniyak naman ni DSWD-DRRM Division Team Leader Ferdinand Monares na handa ang ahensiya na dagdagan pa ang nasabing mga food packs kung kinakailangan base sa rekomendasyon ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Samantala, nagpahayag naman ng kahandaan si Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Head Manuel Lukban na patuloy na susuporta at aagapay ang tanggapang ito ng pamahalaang panlalawigan, sa mga magsasaka at mangingisda sa panahon ng kalamidad, pagbangon mula rito at maging climate change resilient.