P40 umento sa sahod sa Gitnang Luzon aprubado na

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Aprubado na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board o RTWPB ang 40 pisong umento sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Gitnang Luzon.

 

Ito ay sinusuri na ng National Wages and Productivity Commission bago tuluyang maipatupad.

 

Ayon kay Department of Labor and Employment Regional Director at RTWPB Chairperson Geraldine Panlilio, nagpagkasunduan nila na ibibigay ang karagdagang 30 piso simula ngayong Hunyo 2022 habang ang karagdang 10 piso pagsapit ng Enero 2023.

 

Sa ilalim ng Wage Order No. RBIII-23, ang bagong minimum wage sa mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales simula ngayong Hunyo ay 450 piso para sa mga non-agriculture establishment na may 10 o higit pang empleyado habang 443 piso naman para sa mga may mas mababa sa sampung empleyado. 

 

Magiging 460 piso ito para sa may 10 o higit pang empleyado at 453 piso para sa mas mababa sa sampung empleyado pagsapit ng Enero.

 

Para naman sa mga nasa sektor ng agrikultura, magiging 420 piso na para sa plantation at 404 para sa mga non-plantation simula ngayong Hunyo.

 

Magiging 430 piso ito para sa plantation at 414 piso para sa mga non-plantation simula Enero.

 

Para naman sa mga manggagawa sa retail at service na kasalukuyang may arawang kita na 409 piso at 395 piso ay magiging 439 piso at 425 piso na simula Hunyo at magiging 449 piso at 435 piso simula Enero.

 

Ang mga minimum wage earner sa lalawigan ng Aurora, sa kabilang banda, ay magkakaumento simula Hunyo ng 399 piso para sa mga non-agricultural, 334 piso at 344 piso para sa mga nasa retail at service, 384 piso para sa mga nasa agricultural plantation at 372 piso para sa agricultural non-plantation.

 

Samantala, pinag-aaralan pa ng RTWPB ang umento sa sahod ng mga kasambahay.

 

Ang panukalang wage order ay magkakabisa 15 araw matapos itong mailathala sa mga pahayagan.

 

Enero 1, 2020 nang huling magkaroon ng taas sahod sa bisa ng Wage Order No. RBIII-22. 

 

Paliwanag ni Panlilio, inaprubahan ang umento sa sahod matapos isaalang-alang ang kasalukuyang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, at ang poverty threshold sa Gitnang Luzon. 

 

Matatandaang nagsagawa ang RTWPB ng mga public consultation sa lahat ng lalawigan sa rehiyon mula Abril 20 hanggang May 12 matapos itong makatanggap ng petisyon mula sa Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms o SUPER para sa 750 pisong minimum wage. 

 

Sinundan ito ng iba pang petisyon mula sa Central Luzon Workers for Wage Increase, Association of Minimum Wage Earners and Advocates – Philippine Trade and General Workers Organization, at Trade Union Congress of the Philippines. 

Source:  Marie Joy S. Carbungco