LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Naglaan ng P4.5 milyon ang tanggapan ni Senador Imee Romualdez Marcos para sa pagkakaroon ng inisyal na mga Kadiwa Centers sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Kristine Evangelista, pinakamalaking nakatanggap ng Kadiwa Financial Grant ang United San Ildefonso Families Vegetables and Grains Marketing Cooperative na nakabase sa barangay Pala-pala, San Ildefonso, Bulacan.
Sa loob ng naturang halaga, aabot sa P2.5 milyon ang ipinagkaloob sa nasabing kooperatiba na pangunahing inilaan upang makabili ng truck na magsisilbing panghakot ng mga inaning gulay sa kabukiran at rolling store kapag nasa mga pamilihan.
Habang ginamit ang natirang pera bilang karagdagang puhunan. Kumikita ang nasabing kooperatiba at mga kasapi nitong mga magsasaka ng nasa P240 libo kada isang buwan.
Inilaan naman ng Balaong Vegetable Farmers Producers Cooperative ang puhunang P1 milyon upang makapagpatayo ng isang Barangay Food Terminal sa bayan ng San Miguel, Bulacan.
Ito ang nagsisilbing Kadiwa Center sa pinakahilagang bahagi ng lalawigan kung saan Bigas at mga gulay ang pangunahing mga itinitinda. Umaabot na sa P270 libo kada isang buwan ang kanilang kinikita.
Nakadagdag din ang P1 milyong puhunan na ipinagkaloob sa Bukal Farmers Producers Cooperative ang paglalagay ng isang custom service facility upang makatulong sa pagpapalakas ng produksiyon ng Palay at mga Gulay. Ito ang nagtitiyak na palaging may suplay na tinda sa Kadiwa Center sa bayan din ng San Ildefonso.
Ipinaliwanag ni Senador Marcos na hindi lang basta isang tindahan ng mga produktong agrikultural ang mga Kadiwa Centers. Isa aniya itong mekanismo upang masigurong derecho sa mga magsasaka at mangingisda ang kita ng kani-kanilang mga ani at huli.
Habang napapanatili namang abot-kaya ang presyo ng mga produktong agrikultural para sa seguridad sa pagkain ng karaniwang mga mamamayan.
Ang konsepto ng Kadiwa Centers na farm-to-consumer market chains ay pinasimulan sa panahon ni Dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr., kung saan ang Food Terminal Incorporated o FTI sa lungsod ng Taguig ang nagsilbing flagship facility nito. Muling ibinalik ng administrasyong Duterte noong tumama ang pandemya ng COVID-19 noong taong 2020.
Kaugnay nito, ayon pa kay Assistant Secretary Evangelista, may inilaan na P500 milyon mula sa Pambansang Badyet ng 2023 upang makapagpatayo o makapagbukas ng permanenteng mga pasilidad ng mga Kadiwa Centers sa bawat mga bayan at lungsod sa buong Pilipinas.
Bahagi aniya ito ng 8-Point Socio Economic Agenda ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. na pundasyon ng ipinapatupad na 2023-2028 Philippine Development Plan o PDP.