P3-B hinahabol ng SSS mula sa delinquent employers

Patuloy at desidido ang Social Security System (SSS) Luzon Central 2 Division sa paghabol sa mga delinquent employers na hindi nagbabayad ng kanilang obligasyon para sa kanilang manggagawa o empleyado kung saan nasa mahigit P3-bilyon pa ang hinahabol na koleksyon sa mga ito para sa taong 2024.
Ang Social Security System (SSS) personnel ay nagsagawa ng Run After Contributions Evaders (RACE) operation sa pangunguna ni Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada sa mga delinquent employers na hindi nakatutugon sa kanilang kontribusyon sa ahensiya at binigyan ng 15-day para i-settle ang kanilang obligasyon na ginanap kamakailan. Kuha ni ELOISA SILVERIO
 
Ito ang ipinahayag ni SSS Vice President for LC2 Division Gloria Corazon Andrada sa isinagawang Run Against Contribution Evaders (RACE) campaign kamakailan ng pamunuan ng SSS-Baliwag Branch kung saan 10 mga delinquent employers ang sinadya sa kanilang mga tanggapan upang paalalahanan sa kanilang obligasyon o kontrubusyon na hindi nagagampanang bayaran.
 
Ayon kay Andrada, umabot na sa P12.74-bilyon ang total collection ng SSS-LC2 Division as of January to September 2024 buhat sa mahigit P16-bilyon target nito sa nabanggit na taon.
 
Nabatid pa na nasa 29 delinquent employers kabilang dito ang mga “non-remittance at non-registration” ang kinasuhan noong nakaraang 2023 at nasa 18 naman ang kinasuhan ngayong 2024.
 
Kung mahahatulan ang mga kinasuhang delinquent employers, bukod sa multa ay makukulong pa sila ng mula 6 na taon at isang araw hanggang 12 taon.
 
Ayon kay SSS-Baliwag Acting Branch Head Chelin Lea Nabong nasa 101 employers ang binigyan ng babala sa nagdaang 13th RACE operations kung saan 1,245 empleyado nito ang dapat na mabibiyayaan ng hindi nakolektang kontribusyon.
 
Ang mga binisitang 10 employers sa nasabing RACE campaign ay kinabibilangan ng 3 private schools, 2 Restaurants, Furniture Making, Rice Trading, Spa, general merchandise, at grocery store upang makatiyak na makakatugon ang mga ito sa kanilang obligasyon sa ilalim ng Republic Act 11199  or Social Security Act of 2018.
 
Sinabi pa ni Nabong na may 50 accounts ngayon ang ni-refer na sa kanilang legal office para sampahan ng kaso.
 
Base sa datos ng SSS-Baliwag, ito ay sumasakop sa mga bayan ng Baliwag, Bustos, Plaridel, Pulilan, San Miguel, San Rafael at San Ildefonso na may kabuuang 5,248 employers kung saan 1,226 dito ay regularly paying at ang 4,022 nito ay kinabibilangan ng mga  intermittently paying, new registered, at non-paying.
 
Ayon kay Andrada, sakop ng SSS-LC2 Division ay ang 6 na branches sa Bulacan kabilang ang Baliwag, Bocaue, Meycauayan, Malolos, Sta. Maria at San Jose Del Monte, 3 sa Pampanga kabilang ang San Fernando, Dau at Angeles habang 1 sa Olongapo na may kabuuang 2.1-milyong individual members.
 
“Kapag hindi po sila nagbayad ng kanilang obligations ay affected ang mga loan benefit ng mga manggagawang filipino, ang mga trabahador na umaasa sa benepisyo ng SSS like loan privileges sa salaray and calamity loan,” ani Andrada.
 
“Isang strategy po ang RACE operation as awareness campaign to remind them of their obligations,” dagdag nito.
 
Samantala, sinabi ni Andrada na sa buong Bulacan branches ay ang Meycauayan Branch ang may mataas na koleksyon mula January to September na umaabot sa P1.2-bilyon, sinundan ito ng Baliwag branch na may P1.1-biyon, Malolos-P981-milyon, Sta Maria-621-milyon, San Jose Del Monte-P430-M at ang Bocaue naman ay P374-M kung saan nasa halos 932-milyon ang individual members ng mga ito.
 
Nabatid na may kabuuang 116 Race operations na ang naisagawa ng LC2 as of October at target dito ay 908 employers kung saan nasa 7,848 empleyado o manggagawa naman ang dapat na mabiyayaan ng kanilang kontribusyon na aabot sa P36-milyon.
Ang RACE campaign program ay binibigyan ng pagkakataon ang mga delinquent employers na hindi nagre-remit ng kanilang kontribusyon para sa kanilang mga empleyado na mabayaran ang kanilang mga obligasyon sa mas madaling paraan.