P3.2B Housing Loans, napahiram ng Pag-IBIG sa 3,022 Bulakenyo

P3.2B Housing Loans, napahiram ng Pag-IBIG sa 3,022 Bulakenyo - Pag-IBIG Bulacan
Ibinabalita ni Pag-IBIG Baliwag Branch Manager Emmanuel Zosimo Orcine na aabot sa 3,022 na mga Bulakenyo ang naaprubahan ang housing loan sa Pag-IBIG sa ikalawang semestre ng 2022. Nagkakahalaga ng 3.2 bilyong piso ang naturang mga housing loans. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nakapagpahiram ang Pag-IBIG Fund sa 3,022 Bulakenyo ng 3.2 bilyong halaga ng mga housing loans sa ikalawang semestre ng 2022.

 

Patunay aniya ito ng mabilis at epektibong proseso ng ahensiya sa pag-aapruba ng mga aplikasyon sa housing loan basta’t kumpleto ang isinusumiteng mga rekisito.

 

Ayon kay Pag-IBIG Baliwag Branch Manager Emmanuel Zosimo Orcine, patunay ito ng mabilis at epektibong proseso ng ahensya sa pag-aapruba ng mga aplikasyon sa housing loan basta’t kumpleto ang isinusumiteng mga rekisito.

 

Pinakamalaking bilang ng mga naaprubahan ang housing loan ay mga 583 taga Marilao na aabot sa 655.8 milyong piso; 435 na taga Santa Maria na nasa 418.8 milyong piso; 376 na taga San Rafael na nasa 341.6 milyong piso; 319 na taga Norzagaray na nasa 151.9 milyong piso at 314 na taga San Jose Del Monte na nasa 389.8 milyong piso.

 

Sa Baliwag ay nasa 295 ang naaprubahan ang housing loan na nasa 334.7 milyong piso; 246 sa Meycauayan na nasa 323 milyong piso; 154 sa Malolos na nasa 243.6 milyong piso; 81 sa Guiguinto na nasa 107.8 milyong piso, at 55 sa Calumpit na nasa 93.5 milyong piso.

 

May 30 naman na taga Balagtas ang naaprubahan din sa housing loan na aabot sa 36.7 milyong piso; 20 mula sa Bulakan na nasa 24.3 milyong piso; tig-19 mula sa Plaridel na nasa 25.3 milyong piso at Pandi na nasa 15.6 milyong piso; at tig-12 mula sa Bocaue at Pulilan na nasa 17.9 milyong piso at 18.9 milyong piso.

 

Ilang Bulakenyo rin ang nabigyan ng pagkakataon na makapagpatayo ng sariling bahay sa pamamagitan ng pahiram na pondo ng Pag-IBIG. 

 

Halimbawa na rito ang anim na indibidwal sa Paombong na may halagang 8.2 milyong piso, apat na taga Hagonoy na 5.5 milyong piso, tatlong taga Obando na nasa 8.7 milyong piso at dalawang taga-San Ildefonso ang napahiram ng nasa 4.6 milyong piso ang nahiram.

 

Kaugnay nito, sinabi rin ni Orcine na ang halagang napahiram sa mga Bulakenyo para sa housing loan ay bahagi ng nasa 93.3 bilyong piso na nailabas ng Pag-IBIG noong 2022 para sa nasabing programa.

 

Patuloy aniyang nagpapahiram ang Pag-IBIG ng Housing Loan na umaabot sa halagang anim na milyong piso na maaring bayaran sa loob ng 30 taon na may anim na posyentong interes.

 

Limang klase ng Housing Loan ang uubrang ipahiram ng Pag-IBIG gaya ng konstruksyon ng mismong bahay, renobasyon o rehabilitasyon, pagtatayo ng bahay at pagbili ng lupa, pagbili ng lupa lamang at ang pagbayad sa naunang housing loan sa pribadong financial institution o ang existing housing loan refinancing.

 

Kwalipikadong magsumite ng aplikasyon sa housing loan ang sinumang miyembro ng Pag-IBIG na may derechong hulog ng kontribusyon sa nakalipas na 24 na buwan, hindi lalagpas sa 65 na taong gulang sa petsa ng loan application at hindi lalagpas ng 70 taong gulang sa panahon ng loan maturity.

 

May legal capacity na bumili ng real property sa Pilipinas gaya ng pagkakaroon ng disente at matatag na trabaho at tiyak na hanapbuhaya at walang hindi nabayarang utang sa Pag-IBIG o kinanselang utang dito.

 

Samantala, hinikayat din ni Orcine ang mga manggagawa na sumasahod ng minimum wage na subukang magkaroon ng sariling bahay sa pamamagitan ng Affordable Housing Loan na may interes na tatlong posyento lamang.

 

Sila ang mga manggagawa na may buwanang sahod na nasa 15,000 piso kung nagtatrabaho sa Metro Manila at P12 libo kung sa mga lalawigan namamasukan. 

 

Isa itong programa ng Pag-IBIG na may sabsidiya ng pamahalaang nasyonal kaya’t nakakapagpahiram ng ganito kababa mula noong 2017.

 

Sa ilalim ng programang ito, maaaring makahiram mula halagang 580,000 hanggang 750,000 piso para sa pagbili ng bahay na may laking mula 24 hanggang 32 square meters. Maaring bayaran ito mula sa halagang 2,445 hanggang 3,162 piso.

 

Samantala, bukas ang Affordable Housing Loan Program ng Pag-IBIG sa Bulacan partikular sa mga taga- San Jose Del Monte.