P20.58B Public-Private Partnership Projects sa Bulacan, iniaalok ng Kapitolyo

Makikita sa larawan ang rendisyon ng plano para sa komersiyalisasyon ng dating Provincial Engineering Office o PEO Compound sa Barangay Tabang, Guiguinto, Bulacan. Target ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na maging isang mixed-use facilities ito na matatagpuan sa istratehikong lugar kung saan katabi lamang ng Manila North Road at ng magiging Guiguinto station ng North-South Commuter Railway o NSCR Project. (Shane F. Velasco)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Iniaalok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan ang nasa P20.58 bilyong halaga ng mga Public-Private Partnership o PPP Projects, na makakatulong sa lalawigan na maging isang First World Province pagsapit ng taong 2040.

 

Iyan ang inihain ni Provincial Planning and Development Office o PPDO Head Arlene Pascual, na kumatawan kay Gobernador Daniel R. Fernando, sa idinaos na Joint Bulacan Business Conference at Invest Bulacan Summit 2023 na ginanap sa BarCIE International Center ng La Consolacion University Philippines sa Malolos.

 

Nilalaman ng mga proyektong ito ang pagpapatayo ng mga bagong imprastraktura sa tulong ng pribadong sektor, na hahatak ng mas marami pang pamumuhunan para makapasok sa Bulacan.

 

Apat na pangunahing proyekto ang iniaalok ng Kapitolyo para sa potensiyal na pamumuhunan na nagkakahalaga ng P20.58 bilyon.

 

Pangunahin dito ang P6.20 bilyon na Satellite Government Center and EcoTourism Hub na ilalagak sa Donya Remedios Trinidad o DRT. Partikular na bukas para sa mga mamumuhunan ang planong Eco-Tourism Facilities at iba pang tourism infrastructure.

 

Makakatabi nito ang mga national and provincial government agencies, Bulacan Farmers’ Productivity Center, Livestock Multiplier Farm and Breeding Center, Comprehensive Reformation Center at training center ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

 

Ang P5.01 bilyon na Bulacan Mega City Project naman ay nagsimula nang lagakan ng pamumuhunan.

 

Una rito ang nasa P15 bilyong pamumuhunan mula sa Changsha City ng Hunan Province sa People’s Republic of China sa larangan ng vehicle assembly, construction, real estate at fisheries and aquaculture. Matatagpuan ito sa 400 ektarya na magkakadugtong na lupa sa Pandi, Bocaue at Balagtas na nasa tabi ng northbound lane ng North Luzon Expressway o NLEX.

 

Pormal na ring iniaalok ng Kapitolyo ang P4.80 bilyong komersiyalisasyon ng dating Provincial Engineering Office o PEO Compound na nasa barangay Tabang , Guiguinto, Bulacan.

 

Ayon kay Pascual, may laking 8-ektarya ang lupang ito na katabi ng Manila North Road o Mac Arthur Highway at ilang hakbang lamang mula sa magiging Guiguinto Station ng North-South Commuter Railway o NSCR Project.

 

Bukas ito sa mga mamumuhunan sa larangan ng vertical real estate, transport terminal, park & ride facilities at retail spaces. Balak din ng Kapitolyo na paupahan ang ilang bahagi sa mga frontline government agencies.

 

Magpapatuloy na rin ang konstruksiyon ng Bulacan Cyber Park and Business District kung saan may inisyal na P4.57 bilyon ang halaga ng pagbubuo rito. Matatagpuan ito sa 12 ektarya na dating lupa ng Philippine Information Agency o PIA na ipinagkaloob ni noo’y Pangulong Benigno S. Aquino III sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa bisa ng Proclamation 832 of 2014.

 

Pangunahin sa mga itatayo rito ang high-rise towers para sa office spaces ng mga information and communication technology o ICT, business processing outsourcing o BPO, dormitories, retail and shopping outlets, transport terminal, convention centers, hotel at iba pang meetings, incentives, conferences at exhibitions o MICE facilities.

 

Nakuhang konsesyonaryo ng proyekto ang Robinson’s Land Corporation na pansamantalang nahinto noong tumama ang pandemya.

 

Kaugnay nito, sinabi ni Department of Trade and Industry o DTI Region III Officer-in-Charge Assistant Regional Director at siya ring DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon, napapanahon ang ganitong uri ng mga pamumuhunan ngayong umiiral na ang naamyendahang Retail Trade Liberalization Act of 2021 o ang Republic Act 11595.

 

Mas pinababa na sa P25 milyon ang minimum paid-up capital mula sa dating nasa P100 milyon. Habang maaari na ring mamuhunan ang mga foreign retail brand ng minimum na P10 milyon mula sa dating nasa P14 milyon.