P1M SHABU NAKUMPISKA NG PRO3, 4 HIGH VALUE INDIVIDUALS, ARESTADO

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga– Apat na itinituring na high value individuals ang naaresto ng mga mga operatiba sa Pulilan, Bulacan nitong Huwebes, Disyembre 5. 
 
Base sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-5:30 ng hapon, nagsagawa ng buy bust operation ang pinagsanib na puwersa ng PIU/PDEU Bulacan PPO at Pulilan Municipal Police Station sa Barangay Tibag ng nasabing bayan na nagresulta sa pagkakadakip ng apat na mga suspek.
 
Kinilala ni Bulacan Police director PCol Satur Ediong ang mga inarestong suspek na sina alyas “Jonjon”, 40 taong gulang, alyas “TJ”, 32 taong gulang, alyas “Jeff Punk”, 38 taong gulang at alyas “Ratboo”, 20 taong gulang. 
 
Nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang walong (8) transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 150.1 gramo, na may standard drug price na Php 1,020,680.00 at Php 1,000 marked money.
 
Samantala, nitong Miyerkules ng hapon, Disyembre 4 habang nagsasagawa ng chekpoint operation sa Barangay Lambakin, Jaen, Nueva Ecija ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion katuwang ang Jaen Municipal Police Station ay kanilang pinahinto ang isang Bajaj motorcycle na may sidecar.
 
Nang tingnan ang lisensya at rehistro ng nasabing tricycle, napansin ng mga pulis ang isang magasin ng baril na may mga bala na nakasilid sa toolbox sa likod ng windshield ng sidecar.
 
Sa isinagawang pag-iinspeksyon ay nakita ang mga sumusunod: isang (1) Colt 9mm pistol, dalawa pang magasin para sa 9mm pistol at anim (6) na piraso ng 9mm cartridges.
 
Agad na hinanapan ng kaukulang dokumento ang driver na kinilalang si Romulo Sarte Jr at nang wala siyang maipakita ay inaresto sya ng mga pulis dahil sa paglabag sa RA 10591.
 
Ayon kay PBGen Redrico Maranan, Regional Director ng PRO3, ang mga operasyong ito ay patunay ng determinasyon ng kapulisan na labanan ang ilegal na droga at ilegal na pagmamay-ari ng armas. 
 
“Ang bawat operasyon ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas at mapayapang komunidad. Pinupuri ko ang kasipagan at dedikasyon ng ating mga operatiba. Patuloy nating sisiguraduhin ang kaligtasan ng ating mga mamamayan,” ani Maranan.