
Nadiskubre ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Angeles City Police Station 2 ang nasa 155 kilograms ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1-bilyon sa loob ng isang bahay sa Angles City Lunes ng hapon.
Batay sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-4:00 PM nang ikasa ang operasyon sa isang bahay na matatagpuan sa Blk 7 Lot 5A Orchid Street Timog Hills Subdivision, Brgy. Pampang, Angeles City sa pangunguna ni PDEA Intelligence Service Agent Bayani Alpon at ACPS Chief PMaj Rodolfo Quiroz.
Armado ng search warrant ay nagawang pasukin ng mga nabanggit na operatiba ang nasabing bahay na pag-aari umano ng isang alais “Guang Tou”, isang Chinese National kung saan natagpuang naka-imbak dito ang 155 kilos ng suspected shabu na may kabuuang halaga na P1,020,000,000.00.
Nananatili namang ‘at-large’ ang target sa search warrant na si Guang Tou kung saan ayon sa PDEA ang nasabing bahay ay tila abandonado at iniwan na lang ang mga nadiskubreng shabu na naka-plastick pack kada kilo.
Ayon sa PDEA, ang pagkakadiskubre ng droga ay may kaugnayan sa May 14 drug operation sa nasabi ring lungsod kung saan mahigit 35 kilos ng shabu ang narekober sa arestadong Chinese National at sa kasama nitong Filipino.
Photo: CTTO