MAHIGIT P19 million halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang serye ng anti-narcotics operations sa Cebu noong Linggo, Agosto 14, 2022.
Sinabi ni Central Visayas Police Director Roque Vega na pinaigting ng kanilang hanay ang kampanya kontra sa ilegal na droga sa kanilang nasasakupan partikular sa lalawigan ng Cebu.
Kabilang sa mga matagumpay na operasyon ayon kay Vega ay ang pagkakaaresto sa isang dating waiter sa Barangay Luz, Cebu City, kung saan nakuha ang mahigit P1 milyong halaga ng ilegal na droga.
Sa ikinasa namang buy-bust operation sa Barangay Guadalupe ay nakasamsam ang mga kapulisan ng nasa P748,000 halaga ng droga sa isang lalaki na nakilala sa alyas na “Bayogyog.”
Isang 35-anyos naman na lalaki sa Toledo City ang nakuhanan ng mahigit 1 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7.4 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Das.
Isang high value target na teenager ang nadakip sa Mandaue City, matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Barangay Cabancalan na nakuhanan ng P10.2 milyon ang halaga ng shabu.
Sa Barangay Tipolo, isang senior citizen naman ang nakumpiskahan ng P340,000 halaga ng hinihinalang shabu.