LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Target ng Social Security System o SSS na makolekta ang nasa inisyal na 162.2 milyong piso na hindi naihuhulog na kontribusyon ng mga delinquent employers sa Bulacan, sa pamamagitan ng nirepormang Relief Afforded to Challenged Employers o RACE.
Sa pangatlong RACE sa Bulacan na ginanap sa lungsod ng Meycauayan, ipinaliwanag ni SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada na layunin ng pagreporma sa RACE na maging sentro ng paglapit ng SSS sa mga employers na matulungan silang makapagbayad, at hindi para hiyain o habulin ang sinuman.
Sinabi rin niya na ang lundo ng RACE ay ang kapakanan ng karaniwang mga manggagawa na dapat may maaasahan sa panahon ng agarang pangangailangan, hindi inaasahang sitwasyon o pangyayari at sa hinaharap na pagreretiro.
Kung hindi aniya nababayaran nang maayos ng kanilang mga employers ang kani-kanilang mga kontribusyon sa tamang panahon, tiyak na magkakaroon sila ng problema sa hinaharap sa pagkuha ng benepisyo sa SSS.
Ayon kay Vic Bryon Fernandez ng Luzon Central 2 Operations Legal Department, sa loob ng nasabing halaga, 58 milyong piso ang target na makolekta ng Meycauayan branch, 38.3 milyon sa Santa Maria branch, 34.1 milyong piso sa Malolos branch, 18.4 milyon piso sa Bocaue branch, 10.1 milyong piso sa San Jose Del Monte branch at 3.3 milyong piso sa Baliwag branch.
Nasa 27,172 na mga manggagawang Bulakenyo sa pribadong sektor ang makikinabang dito sa pamamagitan ng magiging updated ang kanilang kontribusyon, at magiging eligible o uubrang makatamo ng benepisyo sa oras ng pangangailangan, panahon ng pagreretiro at sa pang-habangbuhay.
Para makolekta ito, iniaalok ng SSS sa mga delinquent employers ang Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP 2 o ang Condonation of Penalties on SSS Contributions at ang PRRP 3 o ang Enhanced Installment Payment Program.
May hanggang Mayo 19, 2022 ang mga employers para magbayad ng mga hindi naihulog na kontribusyon para sa kani-kanilang mga empleyado mula Marso 2020 sa ilalim ng PRRP 2.
Wala nang penalty na babayaran basta’t kailangan na lamang bayaran ang principal at interes.
Kung hindi pa rin makakabayad sa Mayo 19, mayroong PRRP 3 o ang Enhanced Installment Payment System kung saan pwedeng hulugan ang principal, interes at penalty hanggang Nobyembre 22, 2022.
Ang sistema, dapat isumite ng employer kung saang SSS branch nakarehistro, ang Application for Installment Payment, Validated Contribution Form, supporting documents at ang unang 5% down payment ng total delinquency.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Vice President Andrada na ang mga reporma at inisyatibong ito ay bahagi ng mas pinalakas na mandato ng SSS sa ilalim ng Social Security Act of 2018.
Dahil dito, mas komprehensibo at nadagdagan ang mga benepisyo at mas lumawig ang pondo ng SSS sa taong 2054.