BOCAUE, Bulacan – Target ng Social Security System o SSS-Bocaue branch na singilin sa obligasyon ang may 2,011 na mga delinquent employers na nakabase sa Balagtas, Pandi at sa bayang ito.
Nasa P15.3 milyong halaga ng mga hindi naihuhulog na kontribusyon ng nasabing mga employers, ang target na makolekta ng SSS-Bocaue kung saan nakasalalay ang benepisyo ng nasa 9,319 mga empleyado nito.
Ayon kay Evangeline Mananghaya, acting branch head ng SSS-Bocaue, sinimulan nang surpresang bisitahin ng Run After Contribution Evaders o RACE Team ng SSS ang inisyal na walong delinquent employers.
Ito’y upang matiyak ang tamang benepisyo ng nasa 251 na mga apektadong manggagawa dahil sa P4 milyong hindi naihuhulog na kontribusyon.
Inialok ng SSS sa nasabing mga delinquent employers ang Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program o CPCoDe MRP sang-ayon sa SSS Circular 2022-021 at 2022-021B.
Dahil dito ayon kay SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada, hindi na pababayaran ang penalties at tanging ang principal o ang mismong kontribusyon na lamang at interes ang babayaran ng delinquent employers.
Kaya’t sa inisyal na singilin ng SSS-Bocaue na P4 milyon, nasa P3.5 milyon na lamang ang sisingilin dahil nasa halagang P485 libo ang mga penalties na hindi na pababayaran sa mga delinquent employers.
Saklaw ng kondenasyon ang mga hindi nakabayad dahil sa pagtama ng pandemya ng COVID-19 partikular na mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2022.
Sisingilin ng 6% na interes ang mga delinquent employers kung hindi nakapaghulog ng kontribusyon bago at makalipas ang nasabing petsa.
Wala nang itinakdang palugit o hangganan ang SSS kung kailan dapat makapag-file sa CPCoDE MRP. Wala na ring hahanaping anumang rekisito. Basta’t pumunta lamang sa partikular na branch na SSS at bayaran na ang hindi naihuhulog na principal o kontribusyon upang makatamo ng kondonasyon.
Maaari ring makipag-ayos ang isang delinquent employer sa SSS kung gaano kahaba ang panahon ng pagbabayad depende sa halaga ng babayaran.
Ang isang delinquent employer ay maaaring magbayad na nang buo sa loob ng 15 araw, mula nang matanggap ang liham na naglalaman ng pag-apruba ng SSS sa aplikasyon upang makatamo ng CPCoDE MRP.
Para sa mga delinquent employer na nais maging hulugan ang pagbabayad ng obligasyon, pwedeng bayaran sa loob ng 12 buwan ang delinquencies na aabot hanggang P100 libo.
Kung hanggang P500 libo, maaaring bayaran sa loob ng 18 buwan; 24 buwan hanggang P2 milyon; 30 buwan sa may halagang P2 milyon hanggang P5 milyon; 36 buwan sa mga hanggang P10 milyon at 42 buwan sa mga nasa P20 milyon.
Bibigyan naman ng palugit na hanggang 48 na buwan kung mahigit sa P20 milyon ang halaga na dapat bayaran ng isang delinquent employer.