LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) – Inilatag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang panibagong set ng mga proyektong imprastraktura na isasakatupatan sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships o PPP.
Sa ginanap na Invest Bulacan Summit 2022 na inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI, sinabi ni Engr. Randy Po, division head ng Provincial Planning and Development Office o PPDO, aabot sa halagang P14.31 bilyon ang mga bagong proyekto na inihanda ng Kapitolyo upang pondohan ng kwalipikadong pribadong sektor.
Ang PPP ay isang mekanismo kung saan ang pamahalaan ay nag-aalok sa mga pribadong kompanya, na mamuhunan sa pagtatayo at operasyon ng isang partikular na mga proyektong imprastraktura.
Makalipas ang napagkasunduan na panahon ng konsesyon, isasauli na ng pribadong kompanya sa pamahalaan ang karapatan sa pag-aari at pagpapatakbo ng itinayong imprastraktura.
Sa loob ng nasabing halaga, ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, muling magpapatuloy ang nahintong Bulacan Cyber Park and Business District na may halagang P4.5 bilyon.
Isa itong 12 ektaryang lupa na dating pag-aari ng Philippine Information Agency o PIA, na ipinagkaloob ng pamahalaang nasyonal sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan noong 2014 na nasa barangay Bulihan sa lungsod ng Malolos.
Target mahikayat na makapaglagak ng pamumuhunan ang mga nasa industriya ng Business Processing Outsourcing o BPO, banking, retail at night market. Ipagpapatuloy ng Robinsons Land Corporation ang pagpapatayo ng mga gusali at espasyo na uupahan ng nasabing mga sektor.
Nauna nang naibaon ang mga pundasyon para sa itatayong mga gusali sa proyektong Bulacan Cyber Park and Business District noong 2019 ngunit nahinto dahil sa pagtama ng pandemya.
Sa kalapit na bayan ng Guiguinto, may 7.9 ektaryang lupa na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan ang hindi na nagagamit sa mahabang panahon. Dati itong kinaroroonan ng Provincial Engineering Office o PEO at ng Hiyas Agro-Commodity Center o HACC.
Kaya naman pinabubuksan na ito ni Gobernador Fernando upang maging produktibo sa pamamagitan ng pagpapaupa rito. Ang magiging kwalipikadong konsesyonaryo ay kailangang makapaglagak ng inisyal na P4.80 bilyong pamumuhunan para makapagtayo ng mga mixed-use facilities.
Matatagpuan ang lupain na ito sa pagitan ng magkabilang panig ng Manila North Road at katabi ng magiging Guiguinto station ng North-South Commuter Railway o NSCR Phase 1 sa barangay Tabang.
Sa silangang bahagi ng NLEX na nasasakupan ng mga bayan ng Pandi, Balagtas at Bocaue, planong itayo ang Bulacan Mega City kung saan nangangailangan ng inisyal na P5.01 bilyon para sa land development.
Idinisenyo ito upang makapagbukas ng mga bagong oportunidad sa silangang bahagi ng lalawigan upang magkaroon ng karagdagang mga international retail outlet store, shopping mall, techno hub, factory, warehouses at business processing outsourcing.
Nauna nang lumagda sa sisterhood agreement ang Bulacan at ang Hunan Province ng People’s Republic of China, na nagbunsod upang maihain ang letter of intent sa pamumuhunan ng nasa P50 bilyon para sa Bulacan Mega City.
Para kay Edna Dizon, provincial director ng Department of Trade and Industry o DTI- Bulacan, napapanahon ang mga bagong proyektong ito na binibuksan sa mga pribadong kompanya upang makapaglagak ng puhunan partikular na sa sektor ng retail enterprises at public services.
Magiging malaking oportunidad aniya ito upang makapasok sa Bulacan ang mas maraming foreign retail brands, ngayong umiiral na ang Republic Act 11595 o ang Amended Retail Trade Liberalization Act of 2021.
Ito ang nagpababa ng required paid-up capital na aabot na lamang sa minimum na P25 milyon kung mamumuhunan sa industriya retail enterprises gaya ng leisure mall, convenience store, shopping mall, supermarket at iba pang kahalintulad nito.
Tamang-tama rin ang pagbubukas ng tatlong proyekto sa ilalim ng PPP sa pag-iral ng Republic Act 11647 o Amended Foreign Investments Act of 2022 kung saan nilawakan ang uubrang malahukan ng mga dayuhang mamumuhunan partikular sa sektor ng export enterprises.
Kaugnay nito, ayon pa kay Engr. Po, tinatayang aabutin ng isang milyon na mga bagong trabaho ang malilikha dahil sa pagtatayo at magiging epekto ng mga proyektong ito. Target na makita ang inisyal na magagawa rito sa taong 2025 at makumpleto sa taong 2028.
Samantala, para kay Cristina Tuzon, chairman ng BCCI, ang paglalatag ng mga proyektong ito ng pamahalaan kung saan magkakaroon ng malaking papel ang pribadong sektor, ay pagpapatunay na ang Bulacan ay nakalinya sa mga lugar sa Pilipinas na itinuturing na isang investment hub.
Malaking panghikayat din aniya ang mga malalaking imprastraktura na isinasakatuparan ng pamahalaang nasyonal gaya ng NSCR Phase 1 at Phase 2, Metro Rail Transit o MRT 7 at ang sinisimulan na New Manila International Airport o NMIA.