P130K droga nasabat, 6 arestado sa Bulacan

Camp General Alejo S Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Anim (6) na indibidwal na sangkot sa ilegal na droga ang naaresto ng Bulacan Police sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa noong Hulyo 7, 2025, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Bulacan.
 
Batay sa ulat ni PLTCol Edilmar Alviar, Hepe ng San Jose Del Monte CPS, kinilala ang suspek na si Alias Ricky, 49 taong gulang, residente ng Brgy. Bagong Silang, Caloocan City, na naaresto matapos nitong bentahan ng isang (1) sachet ng hinihinalang shabu ang isang PNP poseur buyer kapalit ng markadong pera sa ikinasang buy-bust operation dakong 11:20 ng gabi sa Harmony Hill 1, Brgy. Muzon Proper, CSJDM, Bulacan.
 
Sa isinagawang protective search, nasamsam mula sa suspek ang markadong pera, tatlong (3) heat-sealed sachets ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php 68,000.00, at isang (1) motorsiklong Suzuki Raider 150 na kulay itim na may plakang 4608 UW.
 
Samantala, sa magkakahiwalay na drug-bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units ng Malolos CPS, San Miguel, Bulakan, at Angat MPS, limang (5) drug suspek pa ang naaresto. Nasabat sa mga operasyon ang kabuuang labing-pito (17) sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 61,880.00, tatlo (3) sachet ng hinihinalang marijuana at buy-bust money.
 
Ang lahat ng mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na ihahain sa Tanggapan ng Panlalawigang Piskal sa Lungsod ng Malolos.
 
Naninindigan ang Bulacan Police Provincial Office, sa pangunguna ni PCOL ANGEL L GARCILLANO, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, sa patuloy na pakikibaka kontra kriminalidad. Sa tuloy-tuloy at pinaigting na mga operasyon, patuloy ang pagdakip sa mga sangkot sa droga bilang patunay ng dedikasyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan.