P120.4M bayad ng NAPOCOR sa Norzagaray, ilalaan sa bagong ospital

Makikita sa larawan si Norzagaray Mayor Ma. Elena L. Germar nang tanggapin ang mga bagong kagamitang pang-ospital na donasyon ng isang pribadong sektor sa lobby ng Norzagaray Municipal Hospital. (Norzagaray Municipal Information Office)

NORZAGARAY, Bulacan – Ilalaan bilang panimulang pondo sa paglilipat ng lokasyon ng Norzagaray Municipal Hospital ang halagang P120.4 milyon na Real Property Tax o RPT ng National Power Corporation o NAPOCOR sa Pamahalaang Bayan ng Norzagaray.

 

Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA)- Bulacan kay Norzagaray Mayor Ma. Elena L. Germar, kasalukuyang sa barangay Poblacion nakatayo ang ospital na ito na target ilipat ng pamahalaang bayan sa isang ektaryang lupa sa barangay Bitungol.

 

Ipinaliwanag ng punong bayan na masyado nang masikip ang kinalalagyan ng ospital sa Poblacion, kaya’t makatwiran aniyang mailipat sa Bitungol na isang barangay sa Norzagaray na mas nasa istratehikong lugar.

 

Magkakaroon ng 25 hanggang 50 bed capacity ang planong mas malaking ospital. Kasalukuyan na aniyang nirerepaso ng Department of Health o DOH ang proyekto, upang malaman kung magkano ang magiging counterpart ng pamahalaang nasyonal sa proyektong ito sa ilalim Health Facilities and Enhancement Program o HFEP.

 

Tinatayang nasa P250 milyon ang kinakailangan upang maisakatuparan ang proyektong ito kaya’t para kay Mayor Germar, malaking bagay ang P120.4 milyon bilang panimula.

 

Ito ang RPT ng NAPOCOR sa pamahalaang bayan sa mga taon mula 1996 hanggang 2006, para sa mga makinarya at lupain na ginagamit at kinatatayuan ng Angat Hyro Electric Power Plant sa Angat Dam na nasa Norzagaray.  

 

Lumilikha ito ng 218 megawatt na kuryente mula sa tubig ng Angat Dam.

 

Ipinaliwanag ni Mayor Germar na ang kabayarang ito ay resulta ng desisyon ng Korte Suprema na may obligasyon ang NAPOCOR na bayaran ang RPT nito sa machineries assessment sa panahong mula Enero 1, 1996 hanggang Disyembre 2005 sa halagang P113.9 milyon.

 

Habang P6.4 milyon naman sa land assessment sa panahong mula Enero 1, 1996 hanggang Disyembre 31, 2006.

 

Dating pag-aari ng NAPOCOR ang nasabing planta ng kuryente hanggang taong 2009 bago maisailalim sa privatization sa bisa ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA o ang Republic Act 9136. Naipatupad ito sa ilalim ng administrasyon ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

 

Ang batas na ito ay nagsasapribado ng mga planta ng kuryente upang makatulong sa modernisasyon at mapalawak ang kapasidad sa paglikha ng kuryente.

 

Mula rito ay pinapadaloy sa mga power grid, sa pamamagitan ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, ang kuryente hanggang makarating sa mga power distribution utilities tulad ng Manila Electric Company o MERALCO at mga power cooperatives.

 

Pormal na naisapribado ang Angat Hydro Electric Power Plant sa Korea Water Resources Inc. o K-Water sa halagang US$439 milyon. Kasosyo nito ang Angat Hydropower Corporation ng San Miguel Corporation Global Power.