LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Umabot sa P10 milyon ang halaga ng mga ayudang ipinagkaloob sa mga Bulakenyong pinaka naapektuhan ng inflation o ang pagtaas ng mga bilihin.
Pinangunahan ni Senador Imee Romualdez Marcos ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS sa inisyal na 3,600 na mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
May halagang P5 milyon ang inilaan ng kanyang tanggapan upang ipamahagi ng DSWD sa mga kwalipikadong benepisyaryo gaya ng mga byuda o byudo, single parents, namatayan at iba pang indibidwal na nakararanas ng krisis sa buhay.
Ayon kay DSWD-Region III Regional Director Jonathan Dirain, kabilang sa inisyal na mga benepisyaryo ng AICS ang tig-iisang libong indibidwal sa Baliwag at Meycauayan na nakatanggap ng halagang P3 libo ang bawat isa. Habang ang 1,600 na mga benepisyaryo sa Malolos ay tumanggap ng tig-P2,500.
Iba pa rito ang isang libong indibidwal sa Donya Remedios Trinidad na nabiyayaan ng Christmas Family Packs.
Bukod sa inilaan na P5 milyon para sa AICS ng DSWD, may hiwalay pang P5 milyon ang inilaan sa Department of Agriculture o DA para sa ayuda ng mga magsasaka at mangingisda sa Bulacan na labis na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Binigyang diin ni Senador Marcos na pansamantala lamang mga ayudang ito, habang tumatawid ang bansa na ganap na maka-ahon sa pandemya at makaalpas sa epekto ng matataas na presyo ng mga bilihin.
Kaugnay nito, ibinalita rin ng senadora na nasa P530 bilyon ang nailaan sa pambansang badyet ng 2023 para sa iba’t ibang uri ng ayuda at tulong na derechong ipamamahagi sa mga mamamayan.
Kabilang diyan ang AICS, upgraded senior citizens social pension, Sustainable Livelihood Program o SLP, Fuel Subsidy Program, Libreng Sakay, Bike Lane construction, Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Disadvantaged/Displaces Workers o TUPAD at ang DOLE Integrated Livelihood Program o DILP.