Nakapagtala ng P106 bilyon ang bagong pamumuhunan na pumasok sa Bulacan mula Enero hanggang Oktubre 2021, ngayong unti-unti nang muling nagbubukas ang ekonomiya.
Pinakamalaki at pinakabago rito ang pagtatayo ng isang township sa 85 ektaryang lupa na nasa gilid ng North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Marilao at Bocaue.
May halagang P98 bilyon ang ilalagak na puhunan ng Northwin Global City ng Megaworld Corporation na gagawin sa loob ng 15 hanggang 20 taon. Ito ang magiging bagong lokasyon ng mga high-rise condominiums, hotels, malls, mixed-use commercial buildings, educational institutions at mga state-of-the-arts na office towers.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI)-Bulacan Provincial Director Edna Dizon, kabilang ito sa mga resulta ng pagkakapasa ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE).
Ito ang Republic Act 11534 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagpapababa sa corporate income tax mula 30% hanggang 20% sa susunod na sampung taon.
Bukod dito, nauna nang naaprubahan ng Bureau of Investments (BOI) ang P8 bilyon pang pamumuhunan na nailagak sa simula ng 2021.
Malaking bulto nito ang industriya ng electricity, gas, steam at airconditioning supply na may pamumuhunan mula sa Universal Power Solutions Inc. sa Norzagaray na nagkakahalaga ng P3.37 bilyon
Nasa 11 na mga real estate projects na umaabot sa P2.8 bilyon ang nakalinyang ipapagawa sa Bulacan. Kabilang diyan ang isang proyekto ng Gennext Land Development Inc na P242.1 milyon, dalawa sa PHirst Park Homes Inc. na P974.3 milyon at tatlo sa Communities Bulacan Inc. sa Baliwag
Mayroon namang tatlong proyekto ang Cumberland Development Corporation sa San Rafael na nasa P544.3 milyon at dalawa sa Raemulan Lands Inc. sa Santa Maria na ansa P796.5 milyon. Iba pa rito ang P1 bilyon mula sa Czark Mark Corporation na nasa sektor ng konstruksiyon sa San Jose Del Monte.
Ang industriya ng manufacturing ay may bagong pamumuhunan na nasa P401.1 milyon. Sa loob ng nasabing halaga, P356.3 milyon ang inilagak ng Trinx Bicycle Sport Technology Corp (TBSTC) sa Santa Maria, P35 milyon mula sa Oikos Sustainable Solutions Inc. sa Baliwag at P9.76 milyon mula sa Liciada Innovations Inc. na nasa Bustos.
Mayroon ding namuhunan sa sektor ng pagsasaka, pangingisda at paghahalaman kung saan naglagak ng Rosecomb Inc. ng P364.8 milyon sa Pulilan.
Kaugnay nito, may inisyal na 2,293 na mga bagong trabaho ang malilikha. Inaasahang patuloy pang madadagdagan ito sa isang libong trabaho taun-taon sa susunod na 20 taon. (SOURCE PIA3-BULACAN)