P1.93B hahabulin ng SSS sa mga delinquent employers sa Bulacan, Pampanga

SSS RACE
Tinatalakay ni Social Security System Baliwag Acting Branch Head I Chelin Lea Nabong ang resulta ng isinagawang Run Against Contributions Evaders (RACE) operation kung saan 8 inisyal na delinquent employers ang binigyan ng 15-araw na palugit upang i-settle ang kanilang obligasyon sa ahensiya para sa mga manggagawa nito. Ang kampanya ay isinagawa Huwebes sa bayan ng Pulilan, Bustos at Baliwag. (Kuha ni ERICK SILVERIO)
SINUYOD ng mga kawani ng Social Security System (SSS) ang ilan sa mga tinaguriang ‘delinquent employers’ sa lungsod ng Baliwag at San Jose Del Monte nitong Huwebes at Biyernes kung saan kabilang ito sa P1.93 billion na hinahabol ng ahensiya  mula sa mga area sakop ng Luzon Central 2 Division Office.
 
Ayon kay SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada, pinatawan ang mga delinquent employers ng 15-araw na palugit upang i-settle ang kanilang obligasyon sa nasabing ahensiya.
 
Nabatid na abot sa P144-million ang dapat na makolekta ng SSS buhat sa kabuuang 4,785 na delinquent employers sa Baliwag City at sa City of San Jose Del Monte pa lamang.
 
Ayon kay Chelin Lea Nabong, Acting Branch Head I ng SSS Baliwag, nasa mahigit 20,000 mga manggagawa ang dapat makinabang ng benepisyo na hindi nababayaran ng 3,319 na employer na umaabot na sa mahigit P103-million.
 
Nasa P40-million naman ang hahabulin ng SSS San Jose Del Monte Branch mula sa 1,466 delinquent employers para sa 17,596 manggagawa.
 

Nagpataw ang SSS ng  15 araw na palugit sa mga inisyal na employers sa Baliwag at SJDM na hindi nakapaghuhulog ng tamang kontribusyon para sa kani-kanilang mga manggagawa.

  

Kaya naman, sa pamamagitan ng kampanyang R.A.C.E. o Run Against Contributions Evaders ng SSS, iniaalok sa mga delinquent employers na bayaran na lamang ang principal o ang mismong halaga ng kontribusyon at ang interes na hindi na kasama ang penalties.

 

Ayon pa kay Andrada, kailangan lamang magsumite ng aplikasyon para makatamo ng kondonasyon sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program o CPCoDe MRP.

 

Aniya, malaki ang matitipid ng mga delinquent employers kung mag-aaplay sa nasabing programa. 

 

Ang mga delinquent employers sa Baliwag at SJDM ay bahagi lamang ng P1.93-billion na hinnahabol ngayon ng SSS mula sa 176,337 delinquent employers  na sakop ng Luzon Central 2 Division.
 
Kabilang sa mga SSS branches na sakop nito ay ang Angeles City, Baliwag City, City of Malolos, City of San Jose Del Monte, Meycauayan City, Bocaue, Sta. Maria, Dau, Pampanga at Olongapo.
 
Samantala, ibinalita naman ng hepe ng Legal Department ng SSS Luzon Central 2 na si Atty. Maria Lourdes Barbado na binabalangkas na ng SSS kasama ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan ang isang mekanismo upang tiyaking walang makalulusot sa pagbabayad ng kontribusyon para sa mga manggagawa.