Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Sa patuloy na pagpapatupad ng PRO3 nang pinaigting na checkpoint operations sa lahat ng panig ng rehiyon, isang 43 taong gulang na lalaki ang inaresto ng mga awtoridad sa Gapan, Nueva Ecija nitong umaga ng Byernes, Disyembre 6 matapos itong makitaan ng baril at ilegal na droga.
Dakong alas-6:20 ng umaga habang nagsasagawa ng checkpoint sa Patubig, Brgy. San Nicolas, Gapan City ang mga tauhan ng Gapan City Police Station (CPS) ay pinahinto nila ang driver ng Yamaha Mio na motorsiklo pero sa halip na huminto ito ay pilit na iniwasan ng driver ang mga pulis at tinangka pang banggain ang isa sa kanila. Kung kaya naman agad na hinabol ng mga pulis ang suspek at agad syang nadakip.
Kinilala ang suspek na si Eugenio Navarro residente ng Brgy. San Vicente, Gapan City, Nueva Ecija at nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang isang Cal. 45 pistol at magasin na may limang bala na walang kaukulang dokumento, apat (4) na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at dalawang (2) knot-tied plastic packs na naglalaman din ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 250 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php 1,700,000.00 batay sa standard drug price.
“Ang nasabing operasyon ay patunay ng masigasig na kampanya ng PNP laban sa kriminalidad, ilegal na droga, at iba pang mga aktibidad na nagbabanta sa kapayapaan at kaayusan ng komunidad, “ pahayag ni PRO3 Director PBGen Redrico A. Maranan.
Pinuri din niya ang dedikasyon ng mga tauhan ng Gapan CPS sa kanilang pagseserbisyo.
“Patuloy ang panawagan namin sa publiko na makipagtulungan sa pagpapanatili ng seguridad sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga mahalagang impormasyon sa mga awtoridad,” dagdag pa ni RD Maranan.