P1.5 B shabu natagpuan lumulutang sa karagatan sa Zambales

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Nadiskubre ng mga lokal na mangingisda habang pumapalaot sa West Bajo De Masinloc, Zambales ang nasa 10 sako ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P1.5-bilyon.
 
Sa report na natanggp ng Police Regional Office 3 (PRO3) nabatid na agad naman isinuko ang mga natagouang kontrabando sa awtoridad sa lalawigan ng Bataan.
 
Ayon sa kapitan ng bangka, na pansamantalang di pinangalanan, dakong 5:30 ng hapon noong Mayo 29, 2025, namataan nila ang ilang nakalutang na sakong may laman sa karagatan. 
 
Inakala nilang ito ay naglalaman ng mga food packs, ngunit nang buksan ay tumambad ang hinihinalang shabu. 
 
Dinala nila ang mga sako sa Mariveles at dumating sa bahagi ng Brgy. Sisiman bandang 2:00 ng hapon noong Hunyo 1, 2025. 
Pansamantalang inilagak ang mga ito sa isang floating barge sa lugar.
 
Bandang 8:00 ng umaga noong Hunyo 2, iniulat ng kapitan ng bangka ang insidente sa Philippine Coast Guard (PCG) – Mariveles Sub-Station kung saan agad na nagsagawa ng koordinadong operasyon ang PCG, Mariveles MPS, Bataan PPDEU sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Marites A. Salvadora, Provincial Director ng Bataan PPO at ang PDEA-Bataan.
 
Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang sako, na sinaksihan ng mga kinatawan mula sa DOJ, media, at isang halal na opisyal. 
 
Tinatayang 222 kilo ng hinihinalang shabu na may halagang PHP 1.509 bilyon ang laman ng sampung (10) sako.
 
Pinuri ng mga awtoridad ang katapatan at pagiging maagap ng mga mangingisda.
 
 Ayon kay PRO3 Director PBGEN Jean S. Fajardo, “Ang tagumpay na ito ay patunay ng matibay na kooperasyon at ugnayan ng komunidad at kapulisan. Hinikayat natin ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may maranasan na kahalintulad ng nabanggit na insidente.”