UMABOT na sa P1.2-milyon ang inilaang pabuya para sa agarang ikadarakip ng mga suspek na nakapatay kay Police Lieutenant Colonel Marlon Serna, hepe ng San Miguel Police Station na nasawi sa isang engkuwentro sa San Ildefonso, Bulacan Sabado ng gabi.
Ayon kay PCol. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO),
nagbigay ng pabuyang P500,000 si Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa tipster o sino mang makapagbibigay ng impormasyon para sa pagkakakilanlan at ikadarakip ng mga suspek.
Nagbigay din ng pabuya sina Police Regional Office 3 (PRO3) regional director Jose Hidalgo Jr. ng P300K, gayundin si Bulacan Governor Daniel Fernando ng P200K, at dagdag na P200K mula sa Philippine National Police.
Bumuo na rin si BGen Hidalgo ng Investigation Task Force na kinabibilangan ng lahat ng unit ng kapulisan para sa isasagawang malalimang imbestigasyon at hot pursuit operation laban sa mga suspek.
Magugunita na nitong Sabado ng gabi, bandang alas-9:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa Barangay Buhol na Mangga sa San Ildefonso habang ang grupo ng San Miguel Police sa pamumuno ni Serna ay nagsasagawa ng follow operation at hot pursuit sa armadong kalalakihan sa naganap na nakawan sa Barangay San Juan sa bayan ng San Miguel.
Nabatid na agad namataan ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Barangay Buhol na Mangga at nang lalapitan ito ng mga rumespondeng pulis ay agad silang pinaputukan kung saan tinamaan sa ulo si Serna at ikinasugat ng isa pa.
Mabilis na tumakas ang mga suspek papuntang Barangay Akle, San Ildefonso habang agad na isinugod ang mga biktima sa Emmanuel Hospital subalit binawian ng buhay ang hepe.
Nagpaabot na rin ng kaniyang pakikiramay si Gob Fernando sa pamilya ng biktima na kung saan itinuturing na isang bayaning opisyal ng kapulisan.