Ople Day ipinagdiwang sa Bulacan

Pinangunahn ni Sec. Susan “Toots” Ople kasama sina Gov. Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, Bokal Allan Andan, Bokal Mina Fermin at dating Bokal Totie Ople ang pagdiriwang ng Ople Day na ginanap sa harap ng Gusaling Gat Blas F. Ople: Sentro ng Kabataan, Kaalaman at Hanapbuhay (Provincial Livelihood Center), Antonio S. Bautista Bulacan Provincial Capitol Compound sa Malolos City nitong Biyernes. Kuha ni: ELOISA SILVERIO
GINUNITA ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang Ika-96 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat Blas F. Ople kung saan ang anak nitong si Kalihim Maria Susana “Toots” V. Ople ng Department of Migrant Workers ang panauhing pandangal na ginanap kahapon (Biyernes), Pebrero 3, 2023  na idineklara ring isang special non-working day sa Bulacan.
 
May temang, “Gat Blas F. Ople: Dakilang Bulakenyo, Bayani ng Manggagawang Pilipino”, pinangunahan ng kalihim at Bulacan top officials sa pamumuno ni Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro kasama ang ilang opisyal ng Bulacan, ang taunang pag-alaala at pag-aalay ng bulaklak sa harap ng bantayog ni Ka Blas sa harap ng Gusaling Gat Blas F. Ople: Sentro ng Kabataan, Kaalaman at Hanapbuhay (Provincial Livelihood Center), Antonio S. Bautista Bulacan Provincial Capitol Compound sa Malolos City.
 
Binanggit din ng kalihim na dalawang pinto ang binuksan ng mag-amang Marcos sa kanila.
 
“Sa iyo ang ama, sa akin naman ang anak. At katulad mo “Amang”, taos puso ang aking gagawing paglilingkod at pagpapakumbaba dahil iyan ang turo mo, huwag maging mataas, huwag mahalin ang posisyon kundi mahalin ang tao at mahalin ang bansa bago ang sarili”, aniya.
 
OPLE DAY- Secretary Susan “Toots” Ople together with Governor Daniel Fernando and Vice Gov. Alexis Castro lead the wreath laying activity before the monument of Gat Blas F. Ople during the commemoration of his 96th birth anniversary held in front of the Gusaling Gat Blas F. Ople: Sentro ng Kabataan, Kaalaman at Hanapbuhay (Provincial Livelihood Center), Antonio S. Bautista Bulacan Provincial Capitol Compound on February 3, 2023. Joining them are former Board Member Toti Ople brother of Sec. Toots and Board Member Allan Andan of First District. Photo by ERICK SILVERIO
 
Dagdag pa nito na hindi siya magiging sapat sa mga nai-ambag ng kaniyang ama pero iisa ang kanilang hangarin na mapaglingkuran ang bansa.
 
“Kung gaano naging tapat ang tatay ko sa obligasyon nya na matulungan ang lalawigan natin, yan din po ang ating gagawin para sa mga kababayan nating Bulakenyo,” wika ng kalihim.
 
Kilala bilang “Father of Philippine Labor Code” at “Father of Overseas Filipino Workers”, isang job fair ang kaalinsabay ng naturang selebrasyon na pinangunahan ng  Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center bilang bahagi ng pagbibigay-pugay kay Ka Blas. 
 
Namahagi rin ng certificates of completion ng DOLE Government Internship Program sa mga benepisyaryo.
 
Kaalinsabay din ng nasabing job fair ay isinagawa ang medical mission sa pangunguna ng Department of Migrant Workers at sa pakikipagtulungan ng Damayan sa Barangay.
 
Sinabi ni Fernando na isa sa mga pinakatanyag na estadista sa bansa si Ka Blas at ang kanyang kahusayan sa pamumuno at serbisyo publiko ay nakaukit magpakailanman sa puso at isip, hindi lamang ng mga Bulakenyo, kundi ng lahat ng Pilipino.
 
“Patuloy na pinaunlad ng ating bayaning si Gat Blas Ople ang buhay ng mga Pilipino. Hinihikayat ko ang mga kabataan na palagiang alalahanin ang kanyang kabayanihan at gawing inspirasyon ang kanyang buhay at kontribusyon sa pagbibigay ng serbisyo sa bansa”, anang gobernador.
 
Si Ka Blas ay isang mamamahayag at ikinukunsiderang isa sa mga pinakabatang kolumnista. Siya rin ang ‘Ama’ ng National Manpower and Youth Council (ngayon ay TESDA) na nagsasagawa ng mga programa sa pagsasanay para sa mga dalubhasang manggagawa.
Humawak din siya ng matataas na posisyon sa gobyerno ng Pilipinas kabilang ang Pangulo ng Senado mula 1999 hanggang 2000 at Kalihim ng Foreign Affairs mula 2002 hanggang sa kanyang pagpanaw.
 
Ipinakita din ni Ople ang kanyang katapangan sa pagsabak sa Second World War bilang batang opisyal ng Del Pilar Regiment, Bulacan Military Area (BMA) at lumaban sa ilalim ng BMA’s Buenavista Regiment hanggang sa pagkakahuli ni General Yamashita noong 1945.