LUNGSOD NG MALOLOS- Patuloy na tinutupad ni Gob. Daniel R. Fernando ang kanyang pangakong universal health care para sa mga Bulakenyo kung saan pinangunahan niya, kasama sina Department of Health (DOH) Region 3 Regional Director Corazon I. Flores at iba pang mga lokal na opisyal, ang inagurasyon ng Department of Ophthalmology and Visual Sciences at Physical Therapy and Rehabilitation Medicine Section ng Bulacan Medical Center sa lungsod na ito noong Lunes.
Nagpasalamat si Fernando sa lahat ng tumulong sa kanya upang maisakatuparan ang kanyang layunin na maghatid ng pinakamahusay na serbisyong medikal sa bawat Bulakenyo.
“Lagi nating tandaan na ang pangmatagalang kaunlaran ay magsisimula sa pagkakaroon ng isang malusog at ligtas na pamayanan. So let us all move forward and achieve a healthy future for all,” anang gobernador.
Sinaksihan rin ng gobernador ang pagbabasbas ng kabibigay lamang na Bagong Pilipinas Mobile Clinic mula sa DOH sa pamamagitan ni First Lady Louise Araneta-Marcos.
“Nais kong sabihin, ‘yung mga kagamitan na ipinakita sa atin [sa Ophthalmology Department], latest po lahat ‘yan. Congratulations po mula sa Department of Health-Central Luzon, lubos po kaming natutuwa at kami ay talagang nagpapasalamat na pina-prioritize po ninyo dito sa ating bayan, sa ating probinsyang Bulacan, ang kalusugan,” anang regional director.
Ayon kay Dr. Anna Marie Joy S. De Leon, pinuno ng departamento, handog ng kanilang bagong inagurang departmento ang Cataract and Comprehensive Ophthalmology services, Retina services, Pediatric Ophthalmology services, Glaucoma services, Eye Plastic Surgery, at Refraction and Optometry.
Bukas ang departamento ng Opthalmology and Visual Sciences tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.