Nais natin na batiin ang walang humpay na magagandang balita mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) Bulacan. Batid po ba ninyo na isang Olympic size swimming pool, ang sinisimulan gawin sa Barangay Minuyan proper, LSJDM. Batay sa nakalap na impormasyon, ang naturang proyekto ay hindi lamang para sa mga atleta ng bansa, kundi sa mga pamilyang San Josenios na rin.
Ayon sa may proyekto, ang masipag na Congresswoman Rida Robes, “sa tulong ng aking kabiyak Mayor Arthur B.Robes at ng Department of Public Works and Highways sa pamumuno ni Sec. Mark Villar, ay maisasakatuparan natin ang proyekto na ito na tiyak na mag-aangat sa ating lungsod sa larangan ng palakasan. Ang mga proyektong ating ginagawa ay sinisiguro nating mataas ang kalidad at mapapakinabangan ng ating mga kababayan. Ito po ay para po sa ating lahat.”
Narito naman ang tugon ni Mayor Arthur Robes, LSJDM: “Maraming Salamat sa aking kabiyak at katuwang sa paglilingkod Congresswoman Florida “Ate Rida” Robes, sa kanyang mga proyektong inihahatid sa ating lungsod na tiyak na mapapakinabangan ng mamamayang San Joseño! Dahil sa kasalukuyan, sinisimulan na ang konstruksyon ng ating Olympic Size Swimming Pool na matatagpuan sa Brgy. Minuyan Proper.”
Tsk! Tsk! Tsk! Napakasipag ng mag-asawang ito, nararapat lamang sila ay nasa kalagayang ito, upang tuloy-tuloy at lubos-lubusan ang kanilang isasagawang magagandang gawain sa naturang lungsod at sa buhay ng pamilyang San Josenios. Mabuhay!
***
NAAAYON NGA BA SA PANAHON ANG PAGKAPANALO NI BBM?
Sa pagmamasid ng Katropa ay maganda at naayon sa panahon ang pagkakahalal kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., waring ang tinatamasang sakit ng ulo ng nakararaming mahihirap na mamamayan, laban sa kahirapan ay matutugunan ng mga bagong pamamaraan ng Administrasyong Marcos, Jr., gayundin ang nagupo sa pagka-presidente ng nakalipas na halalan, na si dating VP Leni Robredo ay tutulong sa naisin ng taumbayan, tungo sa pagkakaisa at kaunlaran ng lahat.
Tsk! Tsk! Tsk! May mga negatibong opinyon sa nanalong pangulo, dahil sa nakaraan ng kanyang ama, subalit mas marami ang positibo, na nagsasabi na ang kasagutan sa kahirapang tinatamasa ng bansa sa kasalukuyan ay ang pangalawang Marcos.