Na-alarma si Sen. Joel “TESDAMAN“ Villanueva sa mga balitang may mga employer sa Hong Kong na tinatanggalan ng trabaho o inaabandona ang kanilang empleyadong Overseas Filipino Workers (OFWs) na positibo sa COVID-19.
Nanawagan si Villanueva na Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Authority, at Department of Labor and Employment para sa agarang pagtukoy at pagtugon sa mga ulat na ito.
“Parusa po sa may sakit na OFW ang tanggalan siya ng trabaho. Labag po ito sa karapatang pantao at common decency, anumang panig ng mundo,” sabi ni Villanueva.
Nais ng chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources na maging proactive at mahigpit sa pagmamatyag ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Philippine Consulate General sa Hong Kong sa mga lumalabas na balita.
“Maraming buhay po ang nakataya dito. Kung may mawalan man ng trabaho, repatriation nila ang kailangang pagtuunan, pati na rin ang COVID-19 treatment ng mga may sakit na OFW. Kailangan din pong panagutin ang mga employers na mag-aalipusta o mag-abandona sa ating mga OFW, lalo na ngayong panahon ng pandemya,” sabi ng senador.
Dagdag ni Villanueva na kailangang ihanda na ng itatatag pa lamang na Department of Migrant Workers ang agaran at maayos na pagresponde sa ganitong sitwasyon kapag may naupo nang kalihim sa susunod na administrasyon.
Sinabi ng senador na sa ilalim ng bagong departamento, magkakaroon po ng Undersecretary for Foreign Employment and Welfare Services at Undersecretary for Policy and International Cooperation para mas madaling tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan.
Si Villanueva ang sponsor at may-akda ng Republic Act 11641 na nagtatag ng Department of Migrant Workers.
“Sa ilalim ng bagong Department of Migrant Workers, mas magiging streamlined ang ating pagresponde sa mga ganitong sitwasyon. Marami pong matututunan ang bagong ahensiyang ito mula sa karanasan ng mga OFW nitong pandemya dahil ang Department of Migrant Workers ay magiging bahagi ng ating new normal,” sabi ng senador.