Aniya, ito ang dapat na magiging katambal ng panukalang pagtatatag ng isang Department of Disaster Resilient upang ganap na maging moderno at mas malakas ang National Disaster Risk Reduction Management Office (NDRRMO) ng Pilipinas.
Bagama’t nangyari itong trahedya sa limang Bulakenyong rescuers, kinikilala naman ng kalihim ang epektibong preemptive response ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na maging mababa ang bilang ng mga karaniwang mamamayan na namatay dahil sa bagyo.
Ilan sa mga naitalang tulong sa mga namatayan ang tig-P500 libo mula Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at tig-P200 libo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Iba pa rito ang mga abuloy mula sa iba’t ibang tanggapan ng mga kinatawan at senador sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas.
Inihatid naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang tulong pinansiyal na ipinadala ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. Sinabi naman ng kalihim na hayaang maging pribado ang tulong na ibinigay sa direktiba na rin ng pangulo.