Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Sa patuloy na mas pinaigting na kampanya ng PRO3 laban sa mga loose firearms, boluntaryong isinuko ng isang alkalde sa Nueva Ecija ang kanyang limang baril kasabay ng pagkansela ng lisensya ng mga ito at ang kanyang permit to carry.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pinalakas na kampanya ng Police Regional Office 3 laban sa loose firearms o mga baril na hindi lisensyado o expired na lisensya.
Ang programang ito ay naglalayong mabawasan ang banta ng kriminalidad at masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Ang boluntaryong pagsuko ng baril mula sa mismong opisyal ng pamahalaan ay nagpapakita ng magandang halimbawa para sa lahat ng mamamayan na sumunod sa batas.
Sa pahayag ni PRO3 Director, PBGen Redrico Maranan sinabi nya na “Ang kampanya laban sa loose firearms ay hindi lamang laban ng kapulisan kundi responsibilidad ng bawat mamamayan. Sa pagsuko ng mga baril na walang tamang dokumento, naipapakita natin ang ating suporta sa pagpapalakas ng kapayapaan at seguridad sa ating rehiyon. Hinihikayat ko ang iba pang may-ari ng baril na ayusin ang kanilang lisensya o boluntaryong isuko ang kanilang mga armas upang maiwasan ang anumang legal na komplikasyon.”
Dagdag pa niya, “Ang pakikipagtulungan na ito ay isang patunay na kapag nagkakaisa ang kapulisan, lokal na pamahalaan, at mga mamamayan, mas mabilis nating mararating ang ating layuning magkaroon ng mas ligtas na komunidad.”