BOCAUE, Bulacan (PIA)- Nabuo na ang viaduct ng North-South Commuter Railway (NSCR) Phase 1 Project sa bahagi ng mula sa lungsod ng Malolos sa Bulacan hanggang sa lungsod ng Valenzuela na may habang 28.02 kilometro
Hudyat nito ang pagkakalso ng mga fabricated girders sa huling span o pagitan ng mga poste sa bahagi ng Bocaue, Bulacan na sinaksihan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Ipinahayag ng kalihim na bukod sa pagkukumpleto ng viaduct sa bahaging ito ng Bulacan, pormal din aniyang naikapit ang contract package (CP) 1 at CP 2 ng NSCR Phase 1. Ang CP 1 ay mula sa Tutuban hanggang sa Bocaue habang mula sa katabing bayan ng Balagtas hanggang Malolos ang CP 2.
Taong 2018 nang pasimulan ng DOTr ang pre-construction works habang napasimulan sa sumunod na taon ng 2019 ang aktuwal na pagbabaon ng mga pundasyon at pagtatayo ng mga poste.
Bagama’t bahagyang nabalam noong Marso 2020 dahil sa pandemya ng COVID-19, agad namang itinuloy ang proyekto noong Nobyembre 2020 nang pasimulan ang pagkakalso ng mga fabricated girders para mabuo ang viaduct.
Ang viaduct ay ikinakalso sa mga pagitan ng mga poste kung saan ilalatag sa ibabaw nito ang riles na dadaanan ng tren na bibiyahe mula sa Clark International Airport sa Pampanga hanggang sa Calamba, Laguna.
Binigyang diin ni Secretary Bautista na ang sistema ng NSCR mula sa magkabilang dulo na kayang makapagsakay ng nasa 800 libong mga pasahero araw-araw. Ibig sabihin, ang tren na magmumula sa Clark International Airport ay derechong bibiyahe hanggang sa Calamba.
May 58 na train sets na gawa sa Japan ang bibiyahe sa kabuuan ng NSCR System kung saan dalawang train sets na ang nai-deliver sa depot nito sa hangganan ng Meycauayan at Valenzuela. Bawat isang train sets ay mayroong walong magkakadugtong na bagon ng tren.
Sa loob ng bilang na ito, 51 train sets ang commuter trains o hihinto sa bawat istasyon sa Clark Freeport Zone sa bahagi ng Angeles, San Fernando, Apalit, Calumpit, Malolos, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Meycauayan, Valenzuela, Caloocan, Solis at Tutuban. Gayundin sa bawat mga istasyon na dadaanan papuntang Calamba.
Habang pitong train sets na walo rin ang magkakadugtong na mga bagon ang magsisilbing express trains. Hihinto lamang ito sa Clark International Airport, Malolos, Tutuban, Buendia, Alabang at Calamba
Aabot na sa P873.6 bilyon na ang nagugugol sa proyekto sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at ng Asian Development Bank (ADB). Base sa bagong target ng DOTr, magkakaroon ng partial operation mula sa Valenzuela hanggang sa Clark International Airport sa huling bahaging 2027 o unang bahagi ng 2028.
Samantala, nai-deliver na sa isang bahagi ng Bulacan ang mga riles ng tren na ikakabit sa mga viaduct sa susunod na mga buwan.