LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Isasama ang mga natural at makakalikasan na pamamaraan sa mga plano, proyekto at programa upang mabawasan ang pagbabaha sa baybaying mga bayan at lungsod sa Bulacan at Pampanga.
Ito ang isinusulong ng mga eksperto sa water management at flood control mula sa Netherlands, sa ginanap na North Manila Bay Flood Protection Strategy-Briefing on Nature-Based Solutions Dialogue sa lungsod ng Malolos.
Inorganisa ito ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga o ABB-BP na dinaluhan ng mga municipal at city architects, engineers at planners mula sa Obando, Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiguinto, Bulakan, Malolos, Paombong, Hagonoy at Calumpit sa Bulacan; at sa Masantol, Macabebe, Sasmuan at Lubao sa Pampanga.
Ayon kay Matthijs Zijlmans, project manager ng Partners for Water ng The Netherlands Enterprise Agency sa ilalim ng Dutch Ministry of Economic Affairs and Climate Policy, kinakailangan na lakipan o samahan ng Nature-Based approach ang mga flood control projects upang mabalanse ang aspetong biyolohikal ng tubig at mga nabubuhay dito.
Kabilang dito ang seryosong malawakang pagtatanim ng mga Bakawan sa tabi ng mga itinayo at itatayo pang mga dike mula sa baybayin ng Obando sa Bulacan hanggang Lubao, Pampanga.
Gayundin ang pagtatakda ng naaangkop na lugar para maging fish pens sa mga anyong tubig at fish ponds sa mga anyong lupa, upang maging maayos ang daloy ng tubig. Iba pa rito ang hindi paglalagay ng mga Material Recovery Facilities sa tabi o malapit sa mga anyong tubig.
Inirerekomenda rin ang sistematikong paghuhukay ng mga bumabaw nang bahagi ng mga ilog at dagat. Nakapaloob dito ang sistematikong pag-aalis ng lahat ng uri ng mga iligal na istraktura sa lahat ng daluyan ng tubig.
Tinukoy na dapat maiprayoridad sa isang malawakang paghuhukay o dredging ang mga ilog ng Pamarawan, Malolos, Angat at Pampanga.
Ang bansang Netherlands ay katuwang ng pamahalaang nasyonal sa pagsasakatuparan ng Manila Bay Sustainable Management Plan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ayudang teknikal.
Kaya naman, hangad ng ABB-BP na isulong ang pagkakaroon ng isang official development assistance mula sa pamahalaan ng Netherlands. Ito’y upang mapondohan ang ilang bahagi ng mga flood control projects ng nasabing mga bayan at lungsod.
Samantala, tiniyak ni Gobernador Daniel R. Fernando na magpapatuloy ang pagsusuyod at pagpapalalim ng lahat ng mga anyong tubig partikular na sa mga baybaying bayan at lungsod sa Bulacan.