SUBIC, Zambales (PIA) — Prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tugunan ang kabuhayan at pangangailangan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea, habang patuloy na ipinaglalaban ang karapatan at soberanya ng bansa sa nasabing teritoryo.
Iyan ang binigyang diin ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya sa Kongreso ng Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran na ginanap sa bayan ng Subic.
Isa sa mga programa ng pamahalaan na nakaangkla sa layuning ito ang LAYAG (Livelihood Activities to enhance fisheries Yields And economic Gains) sa West Philippine Sea ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Ayon kay Nazario Briguera, tagapagsalita at pinuno ng information and fisherfolk coordination unit ng BFAR, binuo ang programang LAYAG upang hindi maging ‘pantawid-kabuhayan’ o ‘pangkain’ lamang ang pangingisda.
Layunin nito na gawing sustenableng kabuhayan ang pangingisda sa pamamagitan ng modernisasyon at inobasyon, kabilang na ang pagkakaloob ng mas malalaki at modernong bangkang pangisda na kayang maglulan ng 30 katao.
Ito’y upang masiguro ang kaligtasan ng mga mangingisda at matiyak ang katatagan sa paglalayag lalo na sa panahong malalaki ang alon. Ang naturang malaking bangka ay may lamang anim na maliliit na bangka na kayang ipalaot sa mga mababaw na bahagi ng dagat.
Bukod dito, plano rin ng BFAR na pagkalooban ng cold storage boat ang mga mangingisda upang mapanatiling sariwa ang kanilang mga huli; gayundin ng mga marine cages.
Bahagi rin nito ang National Payao Program na maghihikayat ng makabagong paraan ng pangingisda.
May inisyal na halagang P80 milyon ang inilaan ng BFAR sa ilalim ng programang LAYAG para sa mga benepisyaryong miyembro ng mga kooperatiba ng mga mangingisda.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Philippine Coast Guard o PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay T. Tarriela na patuloy silang magkakaloob ng libreng krudo, at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga mangingisda sa Scarborough Shoal.
Siniguro rini niya na laging aagapayan ng mga barko ng PCG ang mga barko ng BFAR sa paglalayag sa West Philippine Sea lalo na kapag naghahatid ng tulong sa mga mangingisda.
Binigyang diin naman ni Philippine Navy Lieutenant Commodore Maria Christina Roxas, assistant chief ng Public Affairs Division ng Office of the Deputy Chief of Staff for Civil-Military Operations, na nakamatyag ang hukbong dagat sa mga nangyayari sa West Philippine Sea.
Patuloy aniyang naninindigan ang Philippine Navy na teritoryo ng Pilipinas ang West Philippine Sea at walang ibang pwedeng makinabang kundi ang mga mangingisda at mamamayang Pilipino.
Samantala, habang hinihintay na maiproseso ang pagkakaloob ng mga proyekto sa ilalim ng programang LAYAG, tumanggap ang 150 mga benepisyaryong mangingisda ng tig-P10 libo at family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation.
Namigay rin ang Department of Health ng mga family health packs at hygiene kits sa mga nasabing mangingisda.
Ikinagalak naman ni Emerson Alcovendas, 39 taong gulang na mangingisdang benepisyaryo mula sa bayan ng Subic, ang tulong na ipinagkakaloob sa kanila ng pamahalaang nasyonal.
Aniya, ramdam na ramdam ang agarang benepisyo ng mga ayudang natanggap nila gaya ng libreng krudo, karagdagang groceries, at tulong pinansiyal na makatutulong sa pagtataguyod ng kanilang kabuhayan.