Naka-motor na call center agent sumalpok sa police patrol, patay

Patay ang 25-anyos na lalaking call center agent matapos sumalpok ang motor nito sa lumilikong police patrol car sa Mac Arthur Highway, Barangay San Juan, Balagtas, Bulacan noong Martes ng gabi.
 
Kinilala ang biktima na si Earl John Castillo, binata, residente ng Barangay Tabe, Guiguinto, Bulacan.
Victim: Earl John Castillo
 
Ayon sa report na nakarating kay Bulacan Police OIC Director Col. Satur Ediong, naganap ang insidente bandang alas-9:05 ng gabi habang ang biktima ay sakay ng Rusi single motorcycle color black/red na may plate number 637QTZ nang sumalpok ito sa Police Mobile Patrol ng Bocaue Police Station.
 
Nabatid na nasa northbound direction ang police patrol na minamaneho ni PCpl Rexel Alano, 43, married, nakatalaga sa Bocaue Police Station, nakatira sa Blk. 2, Lot 21, AFP Housing, Barangay Batia, Bocaue, Bulacan at papaliko ito sa kabilang southbound lane para magpa-karga ng gasolina sa RePhil Gas Station sa nasabing lugar.
 
Habang papaliko ay mabilis na paparating ang motor ng biktima na nooy papasok sa call center sa Marilao, Bulacan at malaks na sumalpok sa unahang kanang bahagi ng patrol car.
 
Nakatakda namang sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ng ina ng biktima na si Elaine Castillo, 52, si Cpl Alano upang papanagutin ang pulis sa pagkamatay ng kaniyang anak.
 
Ayon kay Ginang Castillo, hustisya para sa kaniyang anak ang sa ngayon ay hinihingi nila para mabigyan katarungan ang pagkasawi ng biktima.
 
Sinabi ni Col. Ediong na magiging parehas ang imbestigasyon kahit na pulis pa ang involve sa krimen. Si Cpl Alano ay kasalukuyang nasa custody ng Balagtas Police habang hindi pa pormal na naisasampa ang kaso.