LUNGSOD NG MALOLOS — Kinabitan ng pasilidad para sa mga turistang Persons with Disabilities o PWD ang Museo ng Unang Republika ng 1899 sa simbahan ng Barasoain.
Partikular dito ang pagkakaroon ng braille sa bawat detalye ng kasaysayan na itinatampok sa museo at sign language sa mga video presentation.
Sinabi ni Rosario Sapitan, deputy executive director ng National Historical Commission of the Philippines, na pinapatunayan lamang ng proyektong Inside Out: Museum Unboxed na ang edukasyon ay para sa lahat kung saan hindi maiiwan ang mga mamamayang may kapansanan.
Ipinagawa ang naturang mga pasilidad ng Rotary Club of San Juan Del Monte sa tulong ng Touch the Artist’s Vision.
Libre nila itong ipinagkaloob sa NHCP para ilagak sa kanilang mga museo.
Ayon kay Liza So ng Rotary Club of San Juan Del Monte, hindi maikakaila na isang malaking hamon sa mga PWD na makapunta sa isang museo kaya’t sa pamamagitan ng inisyatibong ito ay mabibigyan sila ng pagkakataon na malaman, matutunan at masuri ang kasaysayan ng Pilipinas.
Pangatlo na ang naturang museo sa Bulacan na benepisyaryo ng naturang proyekto matapos ang Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas sa Casa Real de Malolos at Museo ni Marcelo H. Del Pilar sa bayan ng Bulakan.