MUNGKAHING ‘HERO AWARD’ PARA SA PULIS NA PINASLANG

Katropa Nakasentro ni: Vic Billones III
Seryoso ang mga binitiwang salita ni Gov. Daniel Fernando, ng Lalawigan ng Bulacan, na sinisiguro niya na mananagot sa batas ang nasa likod ng pamamaril na pumaslang kay P/Lt Col. Marlon G. Serna, Acting Chief of Police (ACOP) ng San Miguel MPS, Sabado, ika-25 ng Marso 2023.
 
Habang isinusulat ito ay nakalalaya pa ang mga salarin. Nagbigay ng pabuya si Gov. Fernando at ang ilang kawani ng pamahalaan at gayundin ang pamunuan ng Pulisya, sa dagliang ikadadakip ng mga kriminal.
 
Agad na inatasan ni Fernando ang BPPO na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at panagutin ang mga ito sa kanilang krimen.
 
GOV. DANIEL R. FERANDO
 
“We have our Bulacan Police Provincial Office (BPPO) to conduct investigations with utmost seriousness and rigor to identify the suspects and we will make sure that justice will be served for the death of our police officer. Nananawagan rin ako sa kapwa nating mga Bulakenyo na ipag-bigay alam kaagad sa mga kinauukulan kung may impormasyon hinggil sa mga suspek,” wika ni Fernando.
 
Tsk! Tsk! Tsk! Nakapanlulumo ang balitang ganito. Sa ulat na agarang pinadala ng Pulisya sa Katropa ay ganito ang mga nakasaad na pangyayari: Bandang 9:30 PM ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang istasyon ng Pulisya sa San Miguel, Bulacan, na nagpapaalam na may nangyaring pagnanakaw sa Brgy San Juan, sa bayang naturan. Nang matanggap ang nasabing ulat, ang pulisya  sa pangunguna ni P/Lt Col Serna ay agad na tumungo sa pinangyarihan ng krimen, upang magsagawa ng ‘follow-up’ na imbestigasyon at operasyon para sa posibleng pagkakakilanlan at pagdakip sa suspek.
 
Sa pagsasagawa ng ‘hot pursuit operation’ sa madilim na bahagi ng Brgy Bohol na Mangga, San Ildefonso, Bulacan gamit ang Sasakyan ni Serna, isang ‘ford Ranger color black,’ nakita ng ‘responding team’ ang dalawang suspek na sakay ng ‘Mio motorcycle’ at biglang binaril ang rumespondeng team at tinamaan si Serna sa kanyang ulo. Sugatan din ang personal driver ni Serna, na nagngangalang Jay Jay Gabriel Dela Cruz,17 anyos na residente ng Brgy. Soledad, Sta Rosa, Nueva Ecija. Agad na tumalilis ang mga suspek patungo sa Brgy Akle, San Ildefonso, Bulacan. Dahil dito ay agad namang isinugod ang dalawang duguang biktima sa Emmanuel Hospital. Si Serna habang ginagamot ay binawian ng buhay.
 
Kapag ganito ang sitwasyon na ang isang pulis ay napatay sa tawag ng kanyang tungkulin, hindi lamang kabayaran at mga benepisyo, ang kanyang dapat makuha. Mungkahi natin na dapat siya ay gawaran ng isang bayaning parangal o ‘hero award.’ Itong si P/Lt Col. Serna ay isang bayani!