MSMEs ng mga Kababaihan sa Bulacan, hinikayat ng DTI na gamiting epektibo ang E-Commerce

MARILAO, Bulacan (PIA)- Isinusulong ng Department of Trade and Industry o DTI sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan partikular na ang pag-aari ng mga kababaihan, na magamit nang epektibo ang mga E-Commerce platforms sa larangan ng marketing, promotion, trading at payments.

MARILAO, Bulacan – Isinusulong ng Department of Trade and Industry o DTI sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan partikular na ang pag-aari ng mga kababaihan, na magamit nang epektibo ang mga E-Commerce platforms sa larangan ng marketing, promotion, trading at payments.

 

Iyan ang tinuran ni Edna Dizon, acting assistant regional director ng DTI- Central Luzon at provincial director ng DTI-Bulacan sa pagbubukas ng Womenpreneur Market-Tatak Bulakenyo Trade Fair sa SM City Marilao.

 

Layunin nito na maging tuluy-tuloy ang paglago ng mga MSMEs kung saan ang micro ay maging small, maging medium ang mga nasa small at maging ganap na large ang nasa medium.

 

Nagpaalala rin si Dizon na lakipan ng karampatang pag-iingat ang pakikipagtransaksiyon sa pamamagitan ng e-commerce upang hindi maging biktima ng iba’t ibang uri ng ‘online scam’.

 

Sa nakalipas na taong 2022, nasa 4,815 na mga MSMEs sa Bulacan ang naka on-board na sa E-Commerce platforms gaya ng mga online shopping. Kabilang sila sa nasa mahigit 45 libong mga MSMEs sa Bulacan kung saan 80% ay pawang pag-aari ng mga kababaihan ayon kay Atty. Jayric Amil, pinuno ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office o PCEDO.

 

Kaya naman ngayong Buwan ng Kababaihan, inorganisa ng PCEDO ang Womenpreneur Market-Tatak Bulakenyo Trade Fair na tatagal hanggang sa Marso 31, 2023.

 

Kaugnay nito, hinikayat muli ang nasabing mga MSMEs na subukang palakihin pa ang puhunan sa pamamagitan ng paghiram sa PCEDO. May inilaang P5 milyon ngayong 2023 para rito sa ilalim ng Bayanihan Bulakenyo Financing Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

 

Bukod dito, bukas pang tumanggap ng aplikasyon para makahiram ng karagdagang puhunan ang Small Business o SB Corporation mula sa kanilang Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential o RISE UP Multipurpose Loan. May panibagong P7 bilyon ang inilaan para sa nasabing pautang mula noong 2022.