MGA HARAGANG DRAYBER, DAPAT BAWIAN NG LISENSIYA

Mga drayber na naka motorsiklo kung makasingit wagas! Ito ang bulyaw ng isa nating katabi sa loob ng kotse. Dahil siya ay biktima ng mga pasaway na drayber ng dalawang gulong. Laging nakikiskisan o galos ang kanyang kotse ng mga naka-motor. Sa kasisingit ng mga ito kahit masikip, ay sige pa rin, hindi alintana ng mga pasaway na drayber ang malaking perwisyo na maidudulot, at ang katapat ng napinsala o nagalusang katawan ng kotse ay libong piso ang halaga ng pagpapapintura, at malaking abala pa kung ipa-presinto ang nakakiskis na drayber ng motor.

Karaniwang sanhi ng mga aksidente sa kalsada, na kinasasangkutan ng naka-motorsiklo  ‘single’ man o pampasahero ay ‘over speeding,’ mahilig lumusot o ‘overtaking’ sa maling paraan, mauna lamang sa mga nauunang sasakyan. Hindi pagsunod sa ‘lane driving’ kung saan sila dapat nakatalaga.

Ang kotse ng inyong Katropa, ay nakaranas ng mabonggo ng naka-‘single’ na motor, sa pagpupumilit ng huli na makaalpas sa trapiko. Ang resulta tuklap ang pintura at pipi sa pagkakasagi ng marahas na nagmo-motorsiklo. Habulin man para panagutin sa kanilang ginawa ay hindi na mahabol dahil mabilis itong nakatatalilis sa trapiko. Meron naman nakokonsensiya sa kanilang ginawa, at katakut-takot na paumanhin at pagmamakaawa ang ginawa. Kadalasan, kung hindi gasgas ang tagiliran ng kotse, ay bangga, pati ang mga ilaw basag.

Ayon sa isang Ginang na taga-Valenzuela City, sila man ay nakaranas ng hindi maganda sa kamay ng isang naka-motor, dahil muntik ng tumaob ang kanilang kotseng sasakyan ng inilagan nila ang isang sumingit na naka-single na motorsiklo, at ito’y mabilis na lumayo mula sa kanila.

Kadalasan naaaksidente ang mga sutil na naka-motor, dahil sa kawalang –ingat sa pagmamaneho, laging nagmamadali, kawalan ng karanasan, edukasyon, atensyon at palipat lipat ng linya, idagdag pa na ang ilan ay nakainom ng alak.

Hindi lamang nakakainis ang gawi ng mga pasaway na drayber ng motorsiklo, kundi mapanganib at dumaramay pa ng mga masasaktan at mabibiktima ng kanilang pagiging iresponsable sa pagmamaneho.

Tsk! Tsk! Tsk! Dapat bago bigyan ng lisensiya ang mga may-ari ng motor, ‘single’ man o pampasahero ay magkaroong ng seminar, kung paano gumamit ng motorsiklo na matino at hindi makapeperwisyo sa ibang may sasakyan. Higpitan ng LTO ang batas kung mayroon man laban sa mga abusadong drayber ng motorsiklo. Sabi nga ng isang Ginang na kahuntahan natin na bigyan ng ‘penalty’ sa ‘first offense,’ pangalawang pagkakasala ay huwag ng i-renew o tanggalan na ng tuluyan ang lisensiya, at huwag ng bigyan ng pangatlong pagkakataon.

***

Paalala sa mga awtoridad na maraming nagmo-motor ng ‘single’ ang sumusuway sa batas na ‘No helmet No ride policy’ sa Lalawigan ng Bulacan, gayundin sa Oplan Tambuli ng Philippine National Police. Kailangang maghigpit na ang mga Alagad ng Batas, laban sa mga sutil. Hanggang sa muli.