Mga barangay sa Obando at Valenzuela lubog sa 4-ft baha dahil sa nasirang dike at floodgate

Abala ang lokal na pamahalaan ng Obando at Lungsod ng Valenzuela sa pagkumpuni ng nasirang bahagi ng dike sa Barangay Lawa habang nakamasid si incoming Obando Mayor Ding Valeda na siyang gumawa ng inisyatibo para magawan agad ng aksyon ang bumigay na dike na nagpabaha sa ilang barangay sa bayan ng Obando. (Ni: ERICK SILVERIO)(Larawan mula sa Facebook post ni Ding Valeda)
LUBOG pa rin mula sa isa hanggang apat na talampakang tubig baha ang ilang barangay sa bayan ng Obando at sa Lungsod ng Valenzuela matapos masira ang floodgate at dike na siyang pumipigil sa tubig na nagmumula sa Manila Bay na dulot rin ng hightide.
 
Personal na nakipag-ugnayan si mayor-elect Ding Valeda ng Obando, Bulacan kay Bulacan Governor Daniel Fernando at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at incoming mayor Wes Gatchalian gayundin sa tanggapan ng Second Bulacan District Engineers Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mabigyan ng agarang solusyon ang idinulot na pagbaha sa nasabing bayan at lungsod.
 
Incoming Obando Mayor Ding Valeda (kanan) habang ibinabalita kay Governor Daniel Fernando (kaliwa) at Vice Governor-elect Alex Castro (gitna) ang nangyaring pagkasira ng mga dike sa nasabing bayan na nagdulot ng malaking pagbaha sa mga barangay dito. (Ni: ERICK SILVERIO) (Larawan mula sa Facebook post ni Ding Valeda)
 
Ayon kay Valeda, nasira ng malakas na pressure ng high tide ang Lawa floodgate gayundin ang bahaging dike sa Barangay Tawiran, Lawa at Paco kung saan lumikha ng flashflood sa mga nasabing lugar na nagdulot ng pagbaha mula sa 1 hanggang 4 na talampakan.
 
“Sinira ng malakas na pressure ng hightide yun pundasyon sa ilalim kaya bumitin mismo yung rubble concrete revetment hanggang sa tuluyan nang bumigay,” ayon kay Valeda.
 
Ayon naman kay Jhong Zuniga, residente ng Barangay Paco, halos mag-iisang buwan nang unang masira ang dike sa bahagi ng Barangay Lawa ngunit ito ay pansamantala lamang niremedyuhan at hindi full renovation kung kaya nito lamang nakaraang Martes ay tuluyan nang nasira kasabay ng iba pang mga dike. 
 
“Mabuti na lamang at mabilis umaksyon si incoming Mayor Valeda at hindi pa man nauupo ay kumilos kaagad, sana ay maayos sa lalong madaling panahon dahil apektado at malaking perwisyo sa pang-araw-araw naming kabuhayan ang sanhing pagbaha,” wika ni Zuniga.
 
Nabatid na mula nang ginawa ang dike, halos 8 taon nang hindi binabaha ang bayan ng Obando kaya naman laking gulat ng mga residente rito nang biglang isang umaga ay nagkaroon ng tubig baha na umabot pa ng 4 na talampakan partikular na sa mga lugar na mababa. 
 
Agad na rin inatasan ni Gob. Fernando ang Provincial Engineering Office sa pangunguna ni Provincial Engineer Glenn Reyes para magpadala ng mga materyales tulad ng sheet piles at sand bags na magagamit upang makumpuni pansamantala ang nasirang straktura.
 
Nitong Biyernes ay personal ding binisita ni Valeda at mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Obando at pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang bahagi ng nasirang dike sa Barangay Lawa kung saan ikinabit ang mga sheet pile para mapigil ang tubig galing Manila Bay.
 
Nag-donate din ang Valenzuela city government ng pamalit na floodgate na kayang itayo sa loob lamang ng isang araw subalit kailangan munang dumaan sa proseso ng city council.
 
Nagpaabot din ng pasasalamat si Valeda sa mga nabanggit na lokal na opisyal na agad umaksyon sa kaniyang kahilingan na makumpuni ang mga nasirang dike at floodgate.