Mga barangay sa Baliwag, Plaridel pambato ng Bulacan sa BECA ngayong taon

Dumaan sa masusing pagtatasa ng Provincial Assessment Committee, sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government, ang mga nagwagi sa Barangay Environmental Compliance Audit na siyang mga pambato ng lalawigan ng Bulacan sa pagtatasa ng Regional Assessment Committee. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nanguna ang Pinagbarilan sa lungsod ng Baliwag at Bulihan sa bayan ng Plaridel sa katatapos na Barangay Environmental Compliance Audit (BECA) sa lalawigan ng Bulacan.

 

Tatanggap ang dalawang barangay ng tig P30,000 at muling sasailalim sa pagtatasa ng Regional Assessment Committee.

 

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Myrvi-Apostol Fabia, isinusulong ng kagawaran ang pagsasagawa nito upang mapalawak ang aktibong pamamahala ng mga barangay sa implementasyon ng Solid Waste Management (SWM). 

 

Sa pamamagitan aniya ng naturang pagtatasa ay nakikita ang mga gampanin at isinusulong na mga inisyatibo ng barangay sa pagtutok sa wastong pangangasiwa ng mga basura.

 

Ilan rito ay ang pagkakaroon ng functional na Barangay SWM Committee, pagkakaroon at pagpapatupad ng SWM Action Plan o Program at ng mga ordinansa na “No Segregation No Collection,” “No Littering, No Dumping, at Open Burning,” gayundin ang pagkakaroon at napakikinabangang Material Recovery Facility, at iba pa.  

 

Samantala, pumangalawa ang Caypian sa San Jose del Monte sa city category habang pumangalawa ang Poblacion sa Pulilan at pumangatlo ang Pansumaloc sa San Rafael sa municipal category.

 

Ang Provincial Assessment Committee ng BECA sa Bulacan ay binubuo ng DILG, Department of Environment and Natural Resources- Provincial Environment and Natural Resources Office, Bulacan Environment and Natural Resources Office, Philippine Information Agency, at kinatawan mula sa civil society organization.