Tuloy-tuloy ang paghatid ng serbisyong medikal ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gobernador Alex Castro sa isinagawang medical mission kamakailan sa mga bayan-bayan sa probinsiya.
May temang “Damayan sa Barangay Medical Mission”, bumaba ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga bayan-bayan at isa na rito sa mga nakatanggap ng libreng serbisyong medikal ay ang mga residente sa Brgy. San Juan, Hagonoy; Brgy. Tabang, Guiguinto; at Brgy. Sibul, San Miguel.
Ayon kay Gob. Fernando, kabilang sa mga serbisyong hatid ng Damayan sa Barangay ay libreng laboratory test, gamot/medical/dental/ ECG at Xray; libreng bakuna sa mga hayop, libreng konsulta, libreng gupit at masahe.
Ito umano ay paraan ng kapitolyo na mailapit sa tao ang mga serbisyong pangkalusugan na isa sa prayoridad ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon naman kay Bise Gob. Castro, masugid ang Pamahalaang Panlalawigan sa derektiba ng gobernador na masuyod ang buong probinsiya lalo na ang nasa malalayo at karatig barangay na kailangan mahatiran ng serbisyo ng gobyerno.
“Sa amin pong pagbisita ay nakapagbigay po tayo ng tulong medikal at libreng konsultasyon at gamot sa mga Bulakenyo. Mayroon din pong librendg dental check up, body massage, at gupitan,” ayon kay Bise Gob. Catsro.
Ayon kay Rowena Tiongson, hepe ng Provincial Social Wefare and Development Office (PSWDO), ito ay regular na isinasagawa 2 hanggang 3 beses tuwing weekdays habang tuwing weekends naman nagsasagawa ng kaparehong aktibidad ang Damayang Filipino Movement ni Fernando.