LUNGSOD NG MALOLOS – Bunsod nang ipinamalas na kahanga-hangang pagpapakita ng dedikasyon sa serbisyo publiko, pinarangalan ng prestihiyosong titulo na “Pinaka Natatanging Babaeng Lingkod Bayan sa Panahon ng Pandemya” si dating Punong Bayan Eleanor ‘Joni’ Villanueva-Tugna sa ginanap na Gawad Medalyang Ginto 2024 sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center dito noong Martes, kung saan ipinagdiwang ang legasiya ni Tugna ay ipinagdiwang nang may karingalan at pagpapahalaga.
Ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang parangal na ito kay Tugna bilang pagkilala sa kanyang namumukod-tanging serbisyo na nakasaad sa Sangguniang Panlalawigan Kapasiyahan Blg. 213-T’2024 – Kapasiyahang Nagbibigay ng Pinakamataas na Pagkilala at Parangal bilang Pinakanatatanging Babaeng Lingkod Bayan Ang Pamahalaang Panlalawigan Ng Bulacan Sa Pangunguna ng Punong Lalawigan, Igg. Daniel R. Fernando at Pangalawang Punong Lalawigan Igg. Alexis C. Castro at lahat ng bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan Kay Igg. Eleanor “Joni” Villanueva-Tugna, Dating Punong Bayan ng Bocaue, Bulacan, resolusyon na kumikilala sa kanyang kahusayan bilang natatanging babaeng lingkod bayan sa lalawigan, isang titulong karapat-dapat para sa kanyang walang kapagurang paglilingkod sa panahon ng pandemya ng COVID-19.
Isa sa maraming kapansin-pansing nagawa ni Tugna sa mapanghamong panahong ito ay ang matagumpay na pagpapatupad ng mass testing program para sa mga frontliner at person under investigation (PUI). Ang inisyatibang ito ay naging mahalaga sa pagsugpo sa pagkalat ng COVID-19 at pagprotekta sa komunidad.
Pinuri ni Gob. Daniel R. Fernando ang masidhing dedikasyon ni Tugna sa serbisyo publiko na kahit na sa harap ng mga personal na hamon sa kanyang kalusugan, patuloy niyang pinaglingkuran ang kanyang mga nasasakupan nang may dedikasyon. Ang kanyang pamana bilang hindi makasarili at tapat na lingkod bayan ay mananatili sa puso ng mga Bulakenyo.
Samantala, isinalin naman ni “Natatanging Babae 2023” Ma. Gladys C. Sta. Rita mula sa bayan ng Marilao ang parangal o titulo na “Natatanging Babae 2024” kay Jonnah L. Garcia ng Lungsod ng Malolos bilang pagkilala sa hindi matatawarang kontribusyon niya sa lalawigan at pagiging inspirasyon at tagapagsulong ng mga programang naga-angat sa kagalingan at kapakanan ng kababaihan.
Kinilala rin ang iba pang natatanging kababaihan sa iba’t ibang larangan kabilang ang Meysulao Lady Warriors (MEYDYWA) na pinamumunuan ng pangulo nitong si Jenneelyn Grace Flores ng Calumpit para sa “Natatanging Samahang Pangkababaihan”; KPK-Malolos sa pamumuno ni Pangulong Maria Cristina S. Dionisio ng Lungsod ng Malolos bilang “Matagumpay na KPK”; Maria Lourdes C. Marquez ng Obando bilang “Matagumpay na Babaeng Mangangalakal”; Palmarina B. Tejuco ng Lungsod ng Malolos bilang “Matagumpay na Babaeng Makakalikasan”; at Jasmin P. Lucas ng Norzagaray bilang “Matagumpay na Babae sa Makabagong Pagnenegosyo”.
“Malugod na pagbati rin ang nais kong ipaabot sa mga natatanging kababaihang Bulakenyo na bibigyang pagkilala at parangal sa ating taunang Gawad Medalyang Ginto sa pangunguna ng minamahal nating yumaong Mayor Joni Villanueva-Tugna ng bayan ng Bocaue. Makakaasa po kayong patuloy ninyong makakatuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at patuloy tayong mangunguna sa implementasyon ng mga programang mangangalaga at maghahatid ng mas marami pang oportunidad para sa bawat Bulakenya”, ani Fernando.
Inanunsyo din ng gobernador na lahat ng 21 nominado ay tatanggap ng tig-P10,000 habang dodoblehin niya ang perang insentibo ng anim na awardees.
Dumalo rin sa paggagawad ng parangal sina Bise Gob. Alexis C. Castro, Bocaue Mayor Eduardo J. Villanueva, Jr. at Pangalawang Punong Bayan Abgd. Sherwin N. Tugna na tumanggap ng parangal sa ngalan ng kanyang asawa na si dating Mayor Joni, Matagumpay na Babaeng Mangangalakal 2020 Cristina C. Tuzon, panauhing pandangal at isa sa mga PKKB Commissioners, at Dr. Eva M. Fajardo, Tagapangulo ng PKKB.