Nagpahayag si Mayor Jaime “Jing” Capil ng Porac, Pampanga na hindi siya papayag na may anumang ilegal na aktibidad na maganap sa kanyang lugar.
Kasabay nito ay sinabi ng alkalde na bigo ang mga kinatawan ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) sa maayos na pagsubaybay sa operasyon ng Lucky South 99, ang Porac mega POGO hub na isinara kamakailan.
Aniya, ang PAGCOR na siyang nagbigay ng POGO license sa Lucky South 99, ang tanging government entity na pinapayagang mag-inspeksyon sa lugar.
Mababatid na natuklasan kamakailan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga kaso ng human trafficking, kidnapping, torture, at online scam sa pasilidad na matatagpuan sa Pulung Maba, Porac, na isang abandonadong sitio. Sinabi ni Capil na ang Porac LGU ay naglabas ng “Letter of No Objection” sa paglalagay ng Business Process Outsourcing (BPO) noong 2019 ngunit pinahintulutan ng PAGCOR ang Lucky South 99 na mag-operate ng POGO.
Sinabi ni Capil na mayroong “failure of regulation” sa bahagi ng PAGCOR dahil ang mga kinatawan nito ay patuloy na nag-inspeksyon sa operasyon ng Lucky South 99.
“PAGCOR had been at the forefront of these POGO operations in the country since Day One, and PAGCOR representatives were entering the area of Lucky South 99 every now and then. It would have been impossible if PAGCOR representatives did not see the illegal activities happening inside the premises,” pahayag ng alkalde.
“Maaaring bawiin ng PAGCOR ang lisensya ng Lucky South 99 kung may nakitang paglabag sa loob ng lugar,” ayon kay Capil.
“Hindi ko kukunsintihin ang anumang ilegal na gawain sa bayan ng Porac. Pinayagan natin itong BPO na mag-operate sa ating bayan pero kung ang Lucky South 99 ay nasangkot sa mga ilegal na aktibidad na hindi naiulat ng PAGCOR, susuportahan ko ang hakbang na ipagbawal ang POGO sa bansa,” ani Capil.
Tinukoy din ni Capil ang Resolution No. 3 Series of 2024 ng Metro Clark Advisory Council (MCAC) “na sumusuporta sa mga aksyon ng Clark Development Corporation at ng Lokal na Pamahalaan ng Mabalacat City na ipinagpaliban ang pagtanggap at pagproseso ng mga aplikasyon ng POGO at ng kanilang BPO service providers sa pagsisikap nitong hadlangan ang POGO-related crimes.”
Nakasaad sa resolusyon ng MCAC na “naalarma ang mga miyembro ng MCAC na LGU sa mga insidenteng ito sa POGO operations sa loob ng Metro Clark Area at sa paglaganap ng POGO-related crimes tulad ng human trafficking, forced abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, pagnanakaw, pagnanakaw-pangingikil, malubhang pinsala sa katawan, panloloko, at seryosong pamimilit bukod sa iba pa at ang mga ito ay maaaring ituring pa nga bilang mga predicate crime para sa anti-money laundering.”
Ang resolusyon ng MCAC ay inaprubahan ni Capil, CDC President at CEO Atty. Agnes Devanadera, Mabalacat City Mayor Cris Garbo, Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr., at Capas Mayor Roseller Rodriguez.
Sinabi rin ni Capil na magpapakita siya ng mga dokumento na nagbayad ng milyun-milyong pisong buwis ang Whirlwind Corporation, ang may-ari ng mga gusali ng POGO.
Ang Lucky South 99 ay direktang nagbabayad ng buwis sa PAGCOR kaya naman may mga kinatawan ito sa loob ng Porac POGO na magmomonitor.
Binanggit ni Capil ang RA no. 11590 o “Act Taxing Philippine Offshore Gaming Operations” na nagaamyenda sa ilang probisyon ng National Internal Revenue Code (NIRC) para linawin ang mga buwis na ipinapataw sa mga POGO.
“The amendment prescribes that with respect to POGOs’ gaming income, the entire gross gaming revenue or receipts are subject to a percentage tax of 5%, in lieu of all other direct and indirect internal revenue and local taxes,” wika ni Capil.
“Malinaw po na walang taxes na kinokolekta ang mga LGUs kundi ang buwis na binabayad lamang ng building owner. Ang building owner po ay ang Whirlwind Corporation at nagbayad naman po ng taxes ang Whirldwind,” ani Capil.