Matatag na Isip, Panatag na Buhay Para sa Hinahangad na Bukas

Ni: REGIE B. ARELLANO -Teacher II                                                                                                                                                    Romeo Acuña Santos Memorial High School

Maraming nabago at patuloy na binabago

Nitong Pandemyang gumimbal sa mundo.

Ang nakasanayang buhay pinipilit nating ibalik

Iba’t ibang pamamaraan, hinahanap. sinasaliksik.

REGIE B. ARELLANO
Regie B. Arellano Teacher II-Romeo Acuña Santos Memorial High School

Sa larangan ng edukasyon, tunay ngang naramdaman

Ang sistemang tipikal, ginawa ngayong teknikal

Blended learnings, modular at online classes pinairal

Maging ang mga meetings at seminars ginawa na ring virtual.

Ating bigyang pansin ang nabagong sitwasyon

Sa paningin ng mga bata’t magulang at ng guro sa ngayon.

Tiyak na mahirap ang agad nilang itutugon

Sa sandaling kumustahin ang kanilang kondisyon.

Ang bata bilang mag-aaral ngayo’y niyayakap

Ang paraan ng pagkatuto sa sariling pagsisikap

Katuwang marahil ang magulang o ibang miyembro ng pamilya,

Dili kaya ay internet, iba’t ibang platforms at social media.

Ang mga magulang sa ngayon ay may dagdag sakrispisyo

Na sa halip na gugulin ang oras sa gawaing bahay at ibang trabaho,

Sa pagkuha’t pagbalik ng modyul, naglalaan pa ng minuto at segundo

Bukod pa sa sila ngayon ang “teacher-in-charge” ni bata para matuto.

Ang mga guro naman, sa “new normal” na  paraan

Aminin man o hindi, sa pagtanggap ay nahirapan.

Mayroon pa ngang ilan na depression ay naranasan

Dahil sa pagbabago ng takbo ng dating payak na kalagayan.

Hindi man natin alam kung kailan matatapos

Ang ganitong pamumuhay ni Juan Dela Cruz

Subalit sa pagsisikap at pagtutulungan nating makaraos

Huwag makakalimot sa Pagpapala at Pag-Ibig ng Diyos.

Kaya naman ang tangi nating panghahawakan sa ngayon

Ang isipang matatag at ang buhay na mahinahon

Pairalin parati ang panatag na loob

Bukas na hinahangad, makakamit sa pagbangon.