MASS AID DISTRIBUTION NI GOV. FERNANDO, MALAKING TULONG

Naging matagumpay ang isinagawang ‘Mass distribution’ ng tulong sa pananalapi, mga pantulong na aparato, tolda at monoblocks, mula kay People’s Governor Daniel Fernando, Lalawigan ng Bulacan, na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium, ika-6 ng Marso, 2023.
 
Narito ang ilang nasabi ni Gov. Fernando, “ang mga inilalapit ninyo mula sa Kapitolyo, ay nangangailangan ng kompletong dokumento, pero maghihintay pa kayo ng matagal, kaya kailangan ang mahabang pasensiya. Dahil dito ay ako na po ang gumawa ng paraan para mapabilis ang inyong mga rekwes. Ang ‘Mass Distribution’ na ito ay sa sariling effort ko na lang to make it fast.”
GOV. DANIEL R. FERNANDO
 
Binanggit din ng butihing Ama ng nasabing lalawigan na may mga taong sumusuporta sa kanya sa pagbibigay tulong sa Damayang Filipino Movement na ayaw magpakilala, at iyang tulong ay ibinabahagi din niya sa kanyang mga nasasakupan. 
 
Tsk! Tsk! Tsk! Matapos magsalita ni Fernando at magpakuha ng mga larawan sa gitna ng mga nakaupong mga tao, ay nakita ng Katropa ang pagmamahal ng tao kay Fernando, dinumog at niyakap siya, marami ang natutuwa at nagpapakuha ng mga ‘selfie shot’ sa Gobernador. Sa tagpong ito ay naalala ko tuloy si dating Mayor Isko Moreno ng Maynila, kapag nagkukuhanan ng ‘selfie shot’ sa kanyang mga tagahanga.
 
Maganda ang tuloy-tuloy na tulong na isinasagawa ni Gov. Fernando sa mga Bulakenyo. Sabi ng katabi ko sa upuan, isang Ginang na taga-Baliuag, Bulacan, “walang pagod sa pamimigay ng tulong sa tao iyang Gobernador natin. Laging bukas ang kanyang palad sa mga nangangailangan ng tulong.” Maganda at kapuri-puri ang mga binitawang salita ng nasabing Ginang patungkol kay Fernando. Totoong matulungin si Gov. Fernando, kaya Mabuhay ka!
 
***
Nitong nakaraang isyu ay naisulat natin ang mga gawi ng mga sutil na drayber ng motorsiklo, mapa-‘single’  man o ng mga pampasaherong tricycle. Mga walang habas na magmaneho na tila mga kidlat sa pagmamadali at pagsingit sa mga pagitan ng mga kotse at sa pag-overtake na kadalasan ay nakakapinsala sa kapwa sasakyan at mitsa ng panganib sa buhay ng ibang tao.
 
Dahil dito ay napansin ko ang kakulangan ng mga taong dapat ay sumusubaybay sa mga pasaway na ito, partikular na nagmumula sa Tanggapan ng Land Transportation Office (LTO.) Nasaan ang mga tao ng LTO? Ilan beses ba kayo nagmamanman sa gawi ng mga pasaway sa lansangan? 

Alamin natin ang ilan sa misyon ng LTO. Ito ay ang maglagay ng kaayusan sa mga kalsada. Hindi lamang magrehistro ng mga sasakyang de-motor; mag-isyu ng mga lisensya at permit, kundi magpatupad ng mga tuntunin at regulasyon sa transportasyong panlupa at hatulan ang mga kaso ng trapiko; at sa proseso, nangongolekta ng mga kita para sa gobyerno.

 

Napansin ko ang kakulangan ng bilang ng mga taong mula sa LTO, para harapin ang mga sutil na mga drayber na ating nabanggit. Kung may kakulangan, bakit hindi kayo magdagdag ng mga tauhan na magmamanman sa mga pangunahing kalsada ng isang barangay o bayan, at maaaring maisama sa mga ‘checkpoint’ na kadalasang isinasagawa ng Philippine National Police o ng isang barangay? Sa ganitong paraan ay mababawasan ang mga pasaway na gawi ng mga drayber na naka-motor.

 

Tsk! Tsk! Tsk! Anong ahensiya ba ng pamahalaan ang dapat na humarap sa mga gawi ng mga drayber na naturan? Dapat ba tayong magbulag-bulagan na lang sa mga karahasan nating nakikita sa kalsada, na kinasasangkutan ng mga ‘maleducadong’ drayber ng motorsiklo? Hanggang sa muli.