
LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan – Nadadaanan na ng mga motoristang patungo sa hilagang silangan ng Bulacan ang Baliwag Flyover matapos isailalim sa retrofitting.
Ang inisyal na muling pagbubukas nito sa trapiko ay nagbigay ng malaking kaluwagan sa panulukan ng Daang Maharlika, Baliwag-Candaba Road at ang daan papasok sa kabayanan ng Baliwag ayon kay Baliwag City Mayor Sonia Estrella.
Isinailalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa retrofitting ang Baliwag Flyover noong nakaraang taon upang mas patatagin ang 23-taong gulang na istraktura. Layunin nito na matiyak na mas makakaya ng flyover ang pagyanig sakaling may tumama na lindol sa hinaharap. Gayundin ang patuloy pang madaanan ito ng mga truck at bus sa mahabang panahon
Pangunahing ginawa sa retrofitting ang pagdadagdag ng reinforcement sa mga girders at beam. Ito ang bahagi ng istraktura ng flyover na pinagpapatungan ng kalsada sa ibabaw. Sa pamamaraang ito, mababawasan ang pagyanig o vibration na nakakaapekto sa kabuuang integridad ng istraktura.
Taong 2003 nang itinayo ito ng DPWH bilang kauna-unahang flyover sa Bulacan. Base sa tala ng DPWH-Region III, ang ginugol dito ay mula sa bahagi ng P95 milyon na inilaan para sa pagsasaayos ng mga flyovers ng Baliwag at sa Bocaue.
Kaugnay nito, isinailalim din sa rehabilitasyon ang dalawang linyang kalsada ng Baliwag Flyover. Bahagi ito ng ginagawang malawakang pagsasaayos sa Daang Maharlika na unang ipinag-utos sa nakaraang pagbisita ni DPWH Secretary Vivencio Dizon sa Plaridel, Bulacan.
Ayon sa naunang pahayag ni Secretary Dizon, tiniyak niya na prayoridad sa mga gugugulin sa Pambansang Badyet ng 2026 ang para sa maintenance at rehabilitasyon ng mga pangunahing national roads partikular itong Daang Maharlika. Kasabay ng pagsasaayos ng istraktura at kalsada sa ibabaw ng Baliwag Flyover, nasa kasagsagan din ang malawakang rehabilitasyon ng Daang Maharlika sa mga wasak na bahagi nito sa Baliwag.





