Manila Bay coastal road-dike project hiniling simulan ng CL governors sa Malacañang

LUNGSOD NG MALOLOS – Umapela sina Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan, dating Gobernador Dennis G. Pineda ng Pampanga, at Gobernador Jose Enrique S. Garcia III ng Bataan sa Tanggapan ng Pangulo na opisyal ng simulan ang konstruksiyon ng Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense and Expressway Project.

Ang naturang proyekto ay isang multi-purpose coastal road-dike na kinabibilangan ng Bataan-Cavite Interlink Bridge na layong magbigay-lunas sa matinding trapiko, tugunan ang malawakang epekto ng pagbaha, at gawing mas madali ang pag-access sa mga economic development zone ng bansa.

Gov. Daniel R. Fernando

Ayon kay Fernando, unang iminungkahi ang proyektong ito ng bayaning Bulakenyo at dating Senador Gat Blas F. Ople noong dekada ’70 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ngunit napabayaan at hindi nasuportahan.

“Panahon na para buhayin natin ang isinadiwa ng bayaning si Gat.Blas F. Ople. [Dahil] ang sakit-sakit [na] po sa dibdib. Hindi katanggap-tanggap ang paulit-ulit na pagdurusa kung mayroon naman palang inilaang solusyon para dito,” anang People’s Governor.

Binalikan din ni Fernando ang ilang panukalang batas ng yumaong Senadora Miriam Defensor Santiago tungkol sa paghahanda sa sakuna at flood control na naglalayong magbigay ng pangmatagalang solusyon ngunit hindi rin nabigyan ng sapat na pondo.

“Natatandaan ko pa po ang diwa ng kaniyang mga batikos [nang] panahong iyon. Wika niya ay tila ayaw na yata ng ilan sa ating pamahalaan na magkaroon ng long-term solution sa pagbaha. Dahil bakapag walang problema ay walang ganansiya?” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga panukalang batas na inihain noon ni Santiago sa senado ay ang Senate Bill No. 3484 o Flood Management Act of 2009 at ang Senate Bill No. 1762 o Culvert Safety Act of 2007.

“Kaya naman ito ay isang hamon sa atin. Alam ng ating mga kababayan kung ano ang totoo. Ang tanging dalangin ko, bago matapos ang aking termino ay makapag-iwan tayo ng mga konkretong solusyon para sa mga problemang deka-dekada nang pasan-pasan ng ating mga kababayan,” ani Fernando.