Dalangin ng Katropa sa kapaskuhang ito at pagsapit ng Bagong taon, na ipagkaloob mo sa amin Panginoon ang Espirito ng tunay na pagmamahalan, ibahagi mo po sa amin ang Inyong karunungang banal, nang sa gayon ay magamit namin sa pangaraw-araw na galaw ng buhay hanggat kami ay may hininga.
Ang Inyong walang hanggang pagmamahal sa sangkatauhan, na ipinadarama ng Inyong Salita at ipinahayag sa iba’t ibang kaparaanan, ay nais naming patuloy na madama at makamit,
Batid naman ng mga nakauunawa, na ang mundo ay hindi kailanman magiging malaya mula sa mga sigalot at salot na sakit, sapagkat sa kakulangan ng pananampalataya sa Salita ng Diyos, ang mga makasalanan ay patuloy na magdurusa. Ngunit sa Inyong pamamagitan ang lahat ng sakit, pagdurusa at digmaan ay dagliang maglalaho. Sapagkat sinuman ang patuloy na yumapos sa Inyong Salita ay makadarama ng katiwasayan ng isipan, pagasa at kalayaan mula sa kadiliman.
Kahit hindi araw ng Pasko, ang Salita Ninyo ay tuwirang nakakintal sa aming isipan at gawi, higit sa pagsapit ng inyong kaarawan, sa panahong ito ang lahat ng mga kumikilala at nagmamahal sa Inyo Panginoon, ay nakadarama ng ibayong sigla at pagmamahal sa kapwa. Nawa ay patuloy po Ninyo kaming gabayan, protektahan laban sa kasamaan ay patuloy na pagpalain sa buhay. Amen.
Tsk! Tsk! Tsk! Sa mga masusugid na tagasubaybay ng Katropa sa pahayagang ito at sa Social Media, sa inyong lahat ngayong Araw ng Pasko at pagpasok ng Bagong taon 2024, anuman ang inyong kalagayan sa trabaho at buhay, madali man o mahirap; kung sa tingin mo ay nakakamit mo ang isang bagay o kung nakararamdam ka ng pagkabigo; Gusto kong magsabi ng isang salita ng pasasalamat.
Patuloy po tayong nakatatanggap ng mga hinaing, problema sa kanilang lugar, sitwasyon ng kanilang katayuan sa buhay, trabaho, mga opinyon at solusyon na dapat gawin ng ating gobyerno. Matatapos na po ang taon, ipanalangin po natin na ang lahat ng iyan ay magkaroon ng katugunan, na siyang ikaluluwag ng inyong mga kalooban. Ilapit po natin sa ating Panginoong Diyos, ang mga pasanin na nadarama sa buhay, at Siya na po ang bahalang gumawa ng mga kaparaanan. Laging manalangin sa Panginoong Diyos araw-araw. Hanggang sa muli Maligayang Pasko at Manigong Bagong taon 2024!